Home HOME BANNER STORY Recruitment scam gamit pangalan ni PBBM, ibinabala ng PNP

Recruitment scam gamit pangalan ni PBBM, ibinabala ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y recruitment racket na ginamit ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makapanloko ng mga residente sa Ilocos Norte at makakolekta ng milyun-milyong piso kapalit ng pangakong trabaho sa New Zealand.

Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga police intelligence unit na paigtingin ang pangangalap ng impormasyon at tukuyin ang mga aktibidad ng mga pinaghihinalaang recruiter.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos iparating ng tanggapan ni Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, anak ng Pangulo, ang ulat tungkol sa umano’y panloloko.

Ayon sa impormasyon, nag-aalok ang mga suspek ng trabaho sa ibang bansa at sinasabing may direkta silang koneksiyon sa Pangulo upang makuha ang tiwala ng mga aplikante.

“These illegal recruiters always think of new ways to lure job seekers, with some even using names of our government’s top officials. We warn all our kababayan to be discerning with this kind of tactic, which only preys on people’s hope for better job opportunities,” ani Nartatez.

Noong Nobyembre 12, inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila ang isang babaeng kinilalang si Yolanda Morales-Naag kaugnay ng umano’y illegal recruitment na nakapambiktima sa hindi bababa sa 86 residente ng Ilocos Norte.

Tinatayang P25.8 milyon ang nakolekta umano ng mga suspek sa pangakong trabaho sa dairy farm sa New Zealand.

Nagbayad umano ang bawat aplikante ng humigit-kumulang P300,000 para sa placement, processing, airfare at iba pang gastusin. Gayunman, hindi natuloy ang ipinangakong trabaho at hindi rin umano naibalik ang kanilang pera at mga personal na dokumento.

Ayon sa NBI, ginamit din umano ng mga suspek ang sinasabing koneksiyon nila sa pamilya Marcos, kabilang ang Pangulo, upang palabasing lehitimo ang recruitment operation.

Nananatiling nakatakas ang isa pang suspek na kinilalang si Alexander Navarro, na gumagamit din umano ng mga pangalang Alejandrino Navarro at Jeffrey Tuazon.

Kinumpirma naman ng Department of Migrant Workers na walang lisensiya ang mga iniimbestigahang indibidwal para mag-recruit ng mga Pilipino na magtatrabaho sa ibang bansa.

Hinimok ni Nartatez ang mga naghahanap ng trabaho sa abroad na beripikahin ang mga alok sa pamamagitan ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at mag-ingat sa mga recruiter na nagyayabang ng koneksiyon sa matataas na opisyal.

“Legitimate employment opportunities are never built on deception. Any recruiter who uses the names of public officials for illegal activities must be held accountable as soon as possible to send a strong message that this scheme has no place in our society. The Philippine National Police will be relentless in going after them,” pahayag niya.

Hinimok din ng PNP ang mga nabiktima at may impormasyon tungkol sa mga recruitment scam na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at magsampa ng pormal na reklamo upang makatulong sa pagbuo ng kaso laban sa mga ilegal na recruiter. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here