MANILA, Philippines – Pag-aaralan ng Senado ang mga panawagang bawasan ang nakalaang pondo para sa ayuda sa 2027 national budget, ngunit iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na kailangan pa ring matulungan ang mga magsasaka at mangingisdang posibleng maapektuhan ng El Niño.
Sinabi ni Gatchalian nitong Lunes, Nobyembre 23, na susuriin ng Senate Committee on Finance ang mga mungkahing ito habang pinag-aaralan ng mga senador ang mga prayoridad sa paggastos ng gobyerno sa gitna ng pagbagal ng ekonomiya.
“Well, yan ang pag-aaralan ng Committee on Finance. At yung mga ganitong debates, importante yan para marinig natin sa ating mga senators yung kanilang mga suhestyon, yung kanilang mga ideya, yung kanilang mga babala. At admittedly na ang ekonomiya natin ay hindi masigla at bumagal,” ani Gatchalian.
Dagdag pa niya, naghahanap ang mga senador ng paraan upang mapabilis ang ekonomiya at mapababa ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin.
Nauna nang kinuwestiyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang hindi bababa sa P241 bilyong magkakahiwalay na pondo para sa ayuda sa bersyon ng Senado ng 2027 budget bill. Tinawag niya itong patronage o “papogi spending” na hindi umano makalilikha ng produktibong pamumuhunan para pasiglahin ang ekonomiya.
Mas mababa ito sa P263 bilyong nakalaang ayuda sa bersyon ng Kamara, ayon kay Lacson.
Kinuwestiyon din ng senador ang pondo para sa pagtatayo ng 3,950 multipurpose buildings (MPBs), bukod pa sa 1,584 gusaling saklaw ng financial assistance program ng Local Government Support Fund mula 2022 hanggang 2026.
Ayon kay Lacson, mahigit P770 bilyon na ang nagastos ng gobyerno sa halos 79,000 ganitong gusali sa ilalim ng iba’t ibang General Appropriations Act sa nakalipas na sampung taon.
Binanggit din niya ang mga alokasyon para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, Assistance to Individuals in Crisis Situations at Tulong Dunong scholarship program.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na kailangan pa rin ang tulong para sa mga sektor na maaapektuhan ng El Niño, na inaasahang mararanasan ang rurok sa unang bahagi ng susunod na taon.
“Next year, actually, ngayon nararamdaman na natin yung El Niño at ang peak ng El Niño will be early part of next year. So, importante rin na meron tayong tulong na maibibigay sa ating mga farmers at fisher folks, mga magsasaka natin at mangingisda,” aniya.
Dagdag niya, kailangang maging handa ang pamahalaan dahil hindi pa matitiyak kung gaano kalawak at kalala ang magiging epekto ng El Niño.
Samantala, target ng Senado na matapos sa Biyernes ang plenary debates sa panukalang 2027 budget, ngunit maaari itong magpatuloy hanggang sa susunod na linggo kung kinakailangan.
Ayon kay Gatchalian, limang araw lamang ang nakalaan sa kasalukuyang iskedyul, mas maikli sa anim na araw na naitalang pinakamaikling panahon para sa plenary budget debates. Gayunman, napagkasunduan ng mga senador na palawigin ito kung kinakailangan, kabilang ang posibilidad na magkaroon ng sesyon sa Disyembre 1.
“Pipilitin namin until Friday. In fact, tinitignan ko ulit yung revised schedule. Kakayanin naman. Ang shortest time na nagkaroon ng plenary debates ay 6 days. Ito 5 days. Pero nakausap ko naman ang mga members natin kung kakalanganin lumampas ng next week, gagawin natin yun. So kung kakailanganin magkaroon ng plenary debates ng December 1, we’ll have plenary debates,” pahayag niya.
Hindi naman inaasahang magsasagawa ng sesyon ang mga senador sa weekend dahil posibleng umabot hanggang madaling-araw ang kanilang mga talakayan. Gagamitin umano nila ang Sabado at Linggo upang magpahinga at maghanda para sa susunod na linggo. RNT/MDS