MANILA, Philippines – Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na magsuot ng pulang damit sa Nobyembre 25 bilang pakikiisa sa paggunita ng Red Wednesday at pagbibigay-pansin sa mga Kristiyanong inuusig dahil sa kanilang pananampalataya.
Daan-daang parokya, paaralan at organisasyon ng Simbahan sa buong bansa ang nagpahayag ng pakikilahok sa taunang paggunita, na kinabibilangan ng mga espesyal na misa at ikalawang koleksiyon para matulungan ang mga Kristiyanong nakararanas ng pag-uusig dahil sa kanilang relihiyon.
Pangungunahan ng Archdiocese of Cagayan de Oro ang pambansang pagdiriwang na magsisimula sa misa sa ganap na alas-5:30 ng hapon sa St. Augustine Metropolitan Cathedral.
Pangungunahan ni Archbishop José Araneta Cabantan ang misa, na susundan ng candlelighting ceremony bilang pag-alala sa mga Kristiyanong nakaranas ng pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya.
Nanawagan din ang Aid to the Church in Need (ACN) Philippines sa publiko na magsuot ng pula at ipagdasal ang mga Kristiyanong inuusig.
“Let us stand in solidarity with our persecuted brothers and sisters in faith by wearing red and offering our prayers,” pahayag ng ACN Philippines.
May temang “Wear Red. Stand in Faith” ang paggunita ngayong taon upang bigyang-diin ang kalagayan ng mga Kristiyanong inuusig at ang panawagang igalang ang kalayaan sa pananampalataya.
Unang nakilahok ang Pilipinas sa pandaigdigang kampanya noong 2017, habang pormal namang pinagtibay ng CBCP ang Red Wednesday bilang taunang paggunita ng Simbahan noong Enero 2020.
Ipinagdiriwang ito tuwing Miyerkules matapos ang Solemnity of Christ the King.
Nagsimula ang kampanya noong 2015 nang kulayan ng pula ng ACN ang Christ the Redeemer statue sa Brazil upang bigyang-pansin ang pag-uusig sa mga Kristiyano sa Iraq.
Mula noon, sinimulan na ring kulayan ng pula ang mga simbahan at pampublikong gusali sa iba’t ibang bansa bilang pagpapakita ng pakikiisa sa mga Kristiyanong inuusig.
Tinataya ng ACN na nasa 220 milyon na Kristiyano sa buong mundo ang nakararanas ng pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya. RNT/MDS