MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of Energy (DOE) ang 259 gasolinahan na magpaliwanag matapos umanong hindi ipatupad nang buo ang mga itinakdang pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo, ayon kay legal officer Gabriel Corpuz nitong Lunes, Nobyembre 23.
Kasunod ito ng malaking rollback sa presyo ng gasolina at diesel noong Nobyembre 10, na umabot sa P16.80 at P4.10 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang nilinaw ng DOE na kailangang ipatupad nang buo ang lahat ng pagbabago sa presyo, pagtaas man o pagbaba.
Ayon kay Corpuz, posibleng masuspinde ang certificates of compliance ng mga gasolinahang mapatutunayang lumabag. Gayunman, nasa pagpapasya ng kinauukulang local government unit (LGU) kung ipasasara ang mga ito.
Tatlong sunod na linggo nang bumababa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa lahat ng kategorya. Inaasahan din ang P3 kada litrong bawas sa presyo ng gasolina ngayong Martes, Nobyembre 24.
Iniuugnay ng mga source sa industriya ang pagbaba ng presyo sa mas maayos na suplay dahil sa paghina ng demand at pagdating ng mga kargamento ng krudo sa pamamagitan ng alternatibong ruta.
Nakaapekto rin umano sa pandaigdigang merkado ang malawakang panalo ng Democratic Party sa midterm elections sa Estados Unidos noong unang bahagi ng Nobyembre, sa kabila ng panibagong pag-atake ng bansa sa Iran.
Karamihan sa pangangailangan ng Pilipinas sa enerhiya ay inaangkat mula sa Middle East o sa mga bansang umaasa rin sa suplay mula sa rehiyon, kaya madaling maapektuhan ang lokal na presyo ng langis ng mga aberya sa pandaigdigang suplay.
Isa ang seguridad sa enerhiya sa mga pangunahing tinalakay sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations Summit noong Nobyembre 15 hanggang 17. Pumasok din ang Pilipinas sa iba’t ibang kasunduan sa mga bansang kasapi ng ASEAN para sa suplay ng langis at kuryente upang mabawasan ang epekto ng mga posibleng krisis sa hinaharap. RNT/MDS