Home METRO Komedyante, mapapatawag ng NBI sa biro ukol sa seksuwal na pahiwatig sa...

Komedyante, mapapatawag ng NBI sa biro ukol sa seksuwal na pahiwatig sa mga bata

16
0

MANILA, Philippines – Magpapalabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa komedyanteng si Mr. JP Aguilera ng Pencilbox Comedy kaugnay ng kontrobersiyal niyang social media post na may seksuwal na pahiwatig tungkol sa mga bata.

Ito ang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag matapos magtungo sa punong tanggapan ng ahensiya si Council for the Welfare of Children (CWC) Executive Director Angelo Tapales, kasama si House Committee on the Welfare of Children Vice Chairperson Ann Matibag, upang hilingin ang imbestigasyon sa naturang post.

Nag-post si Aguilera sa Facebook ng: “Sabi ng doktor ko watch what you eat, kaso kumokonti na yung mga playground.”

Ayon kay Matibag, ilalabas ang subpoena nitong Martes at inaatasan si Aguilera na humarap sa NBI sa Biyernes o sa Miyerkules ng susunod na linggo.

“We’ll give the parties two options, two days na mag-attend sila, para mas may choices na sila,” ani Matibag.

Sinabi rin ng NBI director na magsasagawa muna ang ahensiya ng fact-finding investigation bago isumite ang resulta sa National Prosecution Service para sa preliminary investigation.

Dagdag niya, malinaw umanong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) Act ang naturang post, bagama’t kailangan pang dumaan sa proseso ng imbestigasyon.

Ayon kay Tapales, nakatanggap ang CWC ng ulat tungkol sa post noong Nobyembre 20 at agad itong nakipag-ugnayan sa tanggapan ni Cong. Matibag at sa NBI.

Binigyang-diin niya na hindi dapat pinapayagan ang ganitong mga pahayag kahit biro lamang.

“It might be sexualization of children under anti-OSAEC law, or it might be cannibalism of children as suggested by the other netizens,” aniya.

Samantala, sinabi ni Cong. Matibag na bilang isang ina ay nababahala siya sa mga ganitong pahayag na kinasasangkutan ng mga bata.

“As a nanay, kahit hindi na po legislator, maba-bother ka eh, na bakit meron na namang ganitong malakas yung loob at bakit ang biktima ay mga bata pa,” pahayag niya.

Wala pang inilalabas na pahayag si Aguilera tungkol sa isyu hanggang sa oras ng paglalathala ng ulat. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here