MANILA, Philippines – Nanindigan ang Malakanyang sa sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kasama sa plano sa United States-led Pax Silica Initiative ang pagtatayo ng data centers sa Pilipinas.
“According to the President, he has repeatedly stated that there will be no data center for Pax Silica,” sinabi ni Palace press officer Claire Castro sa press briefing.
Iginiit niya na ang paglilinaw ay sa kabila ng House bill na kabilang ang probisyon para sa pagtatayo at operasyon ng mga data center.
Ayon sa Section 24 (c) ng House Bill No. 11758 o Advanced Industries Development Act, ang project locator o business enterprise ay maaaring mag-apply ng certification kung sila ay “engaged in the establishment and operation of data centers and computing infrastructure for artificial intelligence and high-performance computing.”
Nang tanungin naman kung kakausapin ng Pangulo ang mga kaalyado para alisin ang partikular na probisyong ito, sinabi ni Castro na “They know what the President wants.”
“Therefore, our lawmakers should also know which provisions should only be included for the agreement in Pax Silica,” dagdag pa niya.
Ang panukala ay ipinakilala ni Deputy Speaker Ronaldo Puno, Camarines Sur Rep. Miguel Luis Villafuerte, Bataan Rep. Albert Garcia, Manila Rep. Rolando Valeriano, at Cavite District Rep. Ramon Revilla III.
Naglaan ang bansa ng 1,620 ektarya ng lupain sa New Clark City sa Capas, Tarlac bilang proposed location para sa AI at advanced manufacturing hub sa ilalim ng Pax Silica initiative.
Ang naturang hub ay magdadala umano ng P180 bilyong kabuuang kita kada taon at lilikha ng 200,000 trabaho sa mga Filipino, ayon sa Bases and Conversion Development Authority.
Tinutulan naman ng ilang grupo ang pagtatayo ng Pax Silica hub sa bansa dahil sa banta umano sa soberanya, karapatan ng indigenous people at lumalagong economic at security ties ng bansa sa Estados Unidos. RNT/JGC