MANILA, Philippines – Pito sa 10 adult Filipinos ang ‘aware’ o batid ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Mas mataas ito mula sa 48% noong nakaraang taon, ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey na inilabas nitong Martes, Nobyembre 24.
Mula Setyembre 21 hanggang 27, 2026, nakita sa sarbey na 69% ng mga respondent ang may kaalaman sa nagpapatuloy na mga imbestigasyon bago pa sila makapanayam, habang 31% ang nagsabing saka lamang nila nalaman ang patungkol dito habang tinatanong sa survey.
Pinakamataas ang awareness rate sa Metro Manila sa 80%, Balance Luzon sa 70%, Visayas sa 69%, at Mindanao sa 61%.
Tumaas din ang awareness sa educational attainment, na may 83% sa college graduates, 78% sa mga pumasok sa senior high school o college, 73% sa junior high school graduates, 59% sa elementary graduates, at 43% sa mga hindi nakapagtapos sa elementarya.
Nakita rin sa survey na 41% ng adult Filipinos ang mas kumpiyansa na mapananagot ang mga korakot sa mga anomalya sa flood control projects na may net confidence score na +8.
Mas mababa ito sa +18 na naitala noong Setyembre 2025 at +9 sa November 2025.
Pinakamataas ang net confidence sa Mindanao sa +15, sinundan ng Balance Luzon sa +10 at Visayas sa +6.
Samantala, ang Metro Manila ay nakapagrehistro ng negative net confidence score na -7.
Ang proportion ng mga respondent na may very little confidence ay pinakamataas sa college graduates sa 27% at Metro Manila residents sa 26%.
Tanging 28% lamang ang umaasa na karamihan o lahat sa mga sangkot sa anomalya ay makukulong, habang 38% ang naniniwala na kakaunti lamang ang mapananagot.
Isinagawa ng SWS ang face-to-face interviews sa 1,500 adults edad 18 at pataas sa buong bansa; 600 sa Balance Luzon at tig-300 sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Ang survey ay may sampling error margins na ±3 percentage points para sa national results, ±4 points para sa Balance Luzon, at ±6 points sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. RNT/JGC