MANILA, Philippines – Patuloy na nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan sa Extreme Northern Luzon, habang nagdadala rin ng pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang ilang weather system, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Miyerkules, Nobyembre 25.
Ayon kay PAGASA weather specialist Grace Castañeda, nagdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan at mahina hanggang katamtamang hangin sa Batanes.
Samantala, nakaaapekto ang shear line sa silangang bahagi ng Northern Luzon, na nagdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa Cagayan at Isabela. Gayunman, hindi inaasahan ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.
Sa katimugang bahagi naman ng Palawan, nagdadala ng pag-ulan ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ), bagama’t humina na ang aktibidad nito kumpara sa mga nakaraang araw. Posible ring hindi na ito makaapekto sa anumang bahagi ng bansa ngayong Miyerkules.
Sa malaking bahagi ng bansa, nagdudulot naman ng mga isolated rain shower ang easterlies.
Inaasahang hihina ang amihan sa Huwebes at Biyernes, Nobyembre 26 at 27, bago muling lumakas sa Sabado at Linggo, Nobyembre 28 at 29, kung kailan maaari nitong maapektuhan ang malaking bahagi ng Luzon.
Inaasahan din ang kalat-kalat na pag-ulan sa Dinagat Islands, Surigao del Norte at ilang bahagi ng Eastern Visayas, partikular sa Eastern Samar, Leyte at Southern Leyte, sa Huwebes at Biyernes. Hindi naman inaasahang magdudulot ang mga ito ng matagal o tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.
Wala ring binabantayang tropical cyclone o low pressure area (LPA) ang PAGASA na maaaring makaapekto sa bansa.
Nilinaw naman ni Castañeda na hindi nangangahulugang mawawalan ng ulan ang bansa sa kabila ng umiiral na very strong El Niño.
“Nasa very strong El Niño po ang condition ngayon pero it doesn’t necessarily mean na wala tayong rainfall at all na mararanasan,” ani Castañeda.
“Meron pa rin pong rainfall though below-normal o mas kakaunti po siya kumpara dun sa mga pag-ulan na nararanasan natin during the normal years or neutral condition natin. Dahil meron pa rin tayong mga weather systems na maaari pong magdala ng mga pag-ulan po na ito,” dagdag niya.
Sinabi rin niyang magpapatuloy ang medyo malamig na panahon dahil sa amihan, lalo na sa madaling-araw sa mga lugar na direktang naaapektuhan nito, bagama’t hindi na kasing-lamig dahil sa very strong El Niño. RNT/MDS