Home NATIONWIDE 3 bagong barko, pinalakas puwersa ng PCG

3 bagong barko, pinalakas puwersa ng PCG

1
0

MANILA, Philippines – Pinalakas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang puwersa nito sa karagatan matapos pormal na ikomisyon ang tatlong bagong barko nitong Nobyembre 25, 2026.

Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Rommel Supangan ang seremonya sa National Headquarters sa Port Area, Maynila, kasabay ng pagdiriwang ng ika-62 anibersaryo ng Coast Guard Fleet (CGFLEET).

Kabilang sa mga bagong barko ang BRP Patag (PATS-2701), BRP Pag-asa (PATS-2702) at BRP Kalikasan (MRSV-2001).

Ang BRP Patag at BRP Pag-asa ay parehong 27-meter Marine Protector-class patrol vessels na ipinagkaloob ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Samantala, ang BRP Kalikasan ay isang 20-meter marine research and survey vessel na ginawa sa Cebu bilang bahagi ng pangmatagalang pagpapalawak ng kakayahan ng PCG.

Gagamitin ito sa mga hydrographic survey sa mabababaw na bahagi ng karagatan at mga programa para sa pangangalaga ng karagatan.

Naideliber ang BRP Kalikasan noong Hulyo 2026 at unang nagsagawa ng misyon sa Corregidor Island noong Nobyembre 8, 2026.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, bahagi ng isa sa apat na estratehikong haligi ni Admiral Supangan ang pagdaragdag ng mga barko, partikular ang modernization and capacity-building.

Bukod sa commissioning, kinilala rin sa anibersaryo ang dedikasyon at propesyonalismo ng mga tauhan ng CGFLEET sa pagprotekta sa buhay sa dagat at mga interes ng bansa sa karagatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here