MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko na maging mapagmatyag sa pakikipagtransaksiyon sa mga online seller, lalo na ngayong dumarami ang bumibili ng mga regalo sa internet para sa holiday season.
Batay sa datos na inilabas sa press briefing nitong Miyerkules, nanguna ang online selling scams sa mga naitalang kaso ng cybercrime, na umabot sa 743 mula Enero hanggang Oktubre 2026.
“If possible, since online selling scams are the number one type of online fraud, we should opt for cash only,” payo ni PNP-ACG spokesperson Lt. Col. Zyrah Cabral, na tumutukoy sa cash-on-delivery o pagbabayad kapag natanggap na ang inorder na produkto.
Nagbabala rin si Cabral na posibleng dumami ang accommodation o booking scams habang naghahanap ang mga pamilya at indibidwal ng matutuluyan ngayong kapaskuhan.
Binigyang-diin niya na hindi nangangahulugang lehitimo ang isang account dahil lamang marami itong followers, dahil maaari umanong bilhin ang mga ito.
“So the technique there is to see the reviewer, who is the reviewer,” ani Cabral.
“Check whether the reviewer has been an active Facebook user for a long time,” dagdag niya.
Samantala, nagbabala rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa mga pekeng Christmas donation drive at online giveaway na humihingi ng kontribusyon, processing fee o sensitibong personal na impormasyon.
Ayon sa NCRPO, maaari ring gamitin ng mga scammer ang artificial intelligence upang gayahin ang boses ng mga kapamilya o kaibigan, gumawa ng pekeng emergency at pilitin ang mga biktima na agad magpadala ng pera.
Gumagamit din umano ang mga ito ng pekeng QR code upang mailipat sa sarili nilang account ang mga bayad.
“Scammers are becoming more creative, using technology and impersonation to make their schemes appear legitimate,” pahayag ni NCRPO Acting Regional Director Brig. Gen. Christopher Abrahano.
“Always verify before you pay,” paalala niya. RNT/MDS