LUMIKHA ng seryosong reaksyon mula sa mamamayan ang pahayag ni Senator Alan Peter Cayetano na sana tumulong ang mga mamamayan sa pagbabayad ng utang ng bansa, lalo na sa parte ng mga mayayaman.
Pero bago tumugon sa hamon ni Cayetano, dapat nating malaman na nang umupo noong Hunyo 2022 si Pangulong Bongbong Marcos, dinatnan nito ang P12.79 trilyong utang ng lahat ng naunang administrasyon sa kanya at dinagdagan nito ng P6.7 trilyon o mahigit 53% sa unang apat na taon nito at madadagdagan pa ng P3.3T sa 2027 at magiging P8T lahat.
Bago nito, nakautang din ang administrasyong Digong Duterte ng ₱6.84T kaya naging P12.79T ang utang ng Pinas sa loob ng anim na taon nitong panunungkulan.
Magaan nating natanggap ang pangungutang ng Duterte admin para sa ating pag-ahon mula sa Covid-19 pandemic na pumatay ng nasa 67,000 Pinoy at ikinasakit ng mahigit 4 milyon.
Naiintindihan din natin ang panukala ni Cayetano na nabatay sa halimbawa ng South Koreans na nagkusang magbayad sa utang na kanilang gobyerno para maisalba sila sa krisis pinansyal sa mundo noon.
Matatandaang si Marcos mismo, sa State of the Nation Address niya noong 2025, ang nagsabi na pati mga utang ng pamahalaan ay ninanakaw ng mga korap.
At pinatunayan na rin ito mismo ng Supreme Court nang ideklara itong labag sa Konstitusyon ang 2024, 2025 at bahagi ng 2026 pambansang badyet saka nito ipinag-utos na hanapin ang mga “awtor, nagpanukala at nagpatupad” ng mga ito para makasuhan ng kriminal, sibil at administratibo.”
Naalaala tuloy natin ang nagsisilakihan, bilyon-bilyong piso, ang mga pork barrel ng ilang kongresman na namumuno sa impeachment ni Vice President Sara Duterte at mga lider nila sa Kamara, bukod sa tig-P20 milyong pabuyang Maintenance and Other Operating Expenses sa nasa 215 nagsulong ng Duterte impeachment. Ayon ito kay Caloocan Rep. Egay Erice.
Mula rito, mga korap ang dapat na managot at magbayad ng utang, hindi ang mga ordinaryong mamamayan.






