Home OPINION MALAKING MULTA SA JAO, DAPAT PAYAGANG INSTALLMENT

MALAKING MULTA SA JAO, DAPAT PAYAGANG INSTALLMENT

1
0

HINDI kinukunsinti ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang mga lumalabag sa mga patakaran sa transportasyon. Gayunman, panahon na upang pag-aralan ng pamahalaan ang pagpapahintulot sa hulugang pagbabayad ng malaking multa sa ilalim ng JAO (Joint Administrative Order).

Matagal nang tinututulan ng sektor ng transportasyon ang napakataas na multang ipinapataw sa mga paglabag sa prangkisa. Isang milyong piso, halimbawa, ang multa sa bus na nangongontrata o bumibiyahe nang walang kaukulang prangkisa. Umaabot naman sa P200,000 ang multa sa UV Express na lumalabag sa itinakdang ruta o nag-o-out-of-line.

Hindi biro ang ganitong halaga, lalo na para sa maliliit na operator at drayber na araw-araw na namamasada upang kumita. Sa laki ng multa, maaaring maubos ang kanilang kinikita o tuluyang mawalan sila ng kakayahang magpatuloy sa operasyon.

Hindi naman hinihiling ng LCSP na palampasin ang mga paglabag. Ang panawagan nito ay payagan ang installment payment kung hindi maibaba ang kasalukuyang mga multa. Sa ganitong paraan, mababayaran ng mga lumabag ang kanilang obligasyon nang hindi kailangang ilabas nang minsanan ang napakalaking halaga.

May mga halimbawa na rin sa ibang ahensya ng pamahalaan ng pagbibigay ng kaluwagan sa pagbabayad. May penalty condonation at hulugang pagbabayad sa ilang obligasyon sa Social Security System (SSS), gayundin ang mga mekanismo sa Commission on Audit (COA) para sa mga disallowance, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Dahil dito, makatuwirang pag-aralan ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) ang mungkahing ito ng LCSP.

Hindi dapat maging dahilan ang panukalang installment upang balewalain ang batas. Ang layunin ay mabigyan ng makatwirang paraan ng pagbabayad ang mga drayber at operator habang pinananatili ang pagpapatupad ng mga regulasyon sa transportasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here