Home NATIONWIDE Deployment ng Pinoy hotel workers sa Israel, posibleng ibalik — DMW

Deployment ng Pinoy hotel workers sa Israel, posibleng ibalik — DMW

1
0

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang muling pagpapadala ng mga bagong Filipino hotel worker sa Israel, ngunit nakasalalay pa rin ang desisyon sa resulta ng pagsusuri sa kalagayang panseguridad sa bansa.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, tinalakay ang posibleng pagpapatuloy ng deployment matapos ang kanyang dalawang araw na pagbisita sa Israel upang makipagpulong sa mga opisyal ng pamahalaan at kinatawan ng mga employer.

Kabilang sa mga nakaharap ni Cacdac sina Israeli Foreign Minister Gideon Sa’ar at mga miyembro ng Knesset o parlamento ng Israel.

Sinabi ng kalihim na nagpahayag ng patuloy na pangangailangan sa mga manggagawang Pilipino ang dalawang hotel management na kanyang nakausap sa Israel.

Dahil dito, inihayag niya ang posibilidad na muling buksan ang deployment para sa mga bagong hotel worker sa ilalim ng umiiral na kasunduang pangmanggagawa ng dalawang bansa.

Gayunman, nilinaw ni Cacdac na hindi maaaring ihiwalay ang usapin ng trabaho sa kaligtasan ng mga manggagawa, lalo na sa gitna ng tensiyon sa Middle East.

Makikipag-ugnayan muna siya kina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. upang suriin ang seguridad bago magpatupad ng anumang pagbabago sa deployment policy.

Bukod sa hotel workers, nakatakda ring talakayin ng mga opisyal ang mga isyu sa recruitment at mga bayaring sinisingil sa mga Filipino caregiver na nagtatrabaho o nagnanais magtrabaho sa Israel.

Batay sa datos na ibinahagi ni Cacdac, nasa 30,000 Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Israel, kabilang ang humigit-kumulang 1,500 hotel worker.

Sa kanyang pagbisita, dumalo rin ang kalihim sa pagbubukas ng isang memorial para sa 11 Pilipinong nasawi sa mga insidenteng may kaugnayan sa mga labanan sa Israel sa nakalipas na mga taon.

Nanindigan ang DMW na kailangang matiyak muna ang kaligtasan at kapakanan ng mga overseas Filipino worker bago muling payagan ang pagpapadala ng mga bagong manggagawa sa bansa. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here