MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa mga pekeng text message na naglalaman ng mapanlinlang na link, kabilang ang mga lumilitaw sa kaparehong conversation thread ng mga lehitimong mensahe mula sa bangko.
Ayon kay PNP-ACG Public Information Office chief Lt. Col. Zyrah Joy Cabal nitong Miyerkules, Nobyembre 25, maaaring gamitin ng mga scammer ang ganitong paraan upang makuha ang personal at banking information ng kanilang mga biktima.
Kabilang sa mga modus ang smishing o panloloko sa pamamagitan ng text message, kung saan hinihikayat ang biktima na pindutin ang link na magdadala sa pekeng website.
Nagbabala rin ang PNP laban sa vishing o voice phishing, kung saan nagpapanggap na empleyado ng bangko o ibang pinagkakatiwalaang institusyon ang tumatawag upang makuha ang one-time password (OTP) at iba pang sensitibong impormasyon.
Binigyang-diin ni Cabal na hindi dapat ibigay ang OTP, password o banking details sa sinumang tumatawag o nagpapadala ng mensahe.
Sa halip, pinayuhan niya ang publiko na direktang buksan ang opisyal na mobile application o website ng bangko upang tiyakin kung tunay ang natanggap na abiso.
Batay sa datos ng PNP-ACG, nakapagtala ng 743 online selling scams mula Enero hanggang Oktubre 2026, kasunod ang 354 kaso ng vishing at 236 investment scams.
Kabilang din sa mga iniulat ang 202 loan scams at 197 kaso ng profile hijacking o identity theft.
Bukod sa bank-related scams, inaasahan ding sasamantalahin ng mga manloloko ang pagdami ng holiday bookings at online shopping ngayong papalapit ang Pasko.
Ayon sa PNP, gumagamit ang ilang scammer ng mga ninakaw na larawan ng mga hotel, resort at transient accommodation upang mag-alok ng pekeng discounted booking.
Pinipilit umano ang mga biktima na agad magbayad ng reservation fee sa pamamagitan ng pagsasabing mawawala ang promo kapag hindi kaagad nagpadala ng pera.
Pinayuhan ang publiko na tiyaking lehitimo ang accommodation provider at direktang kumpirmahin ang reservation bago magbayad.
Samantala, hinikayat ng PNP-ACG ang mga biktima ng cybercrime na agad magsumbong sa pinakamalapit na anti-cybercrime unit upang matulungan sa imbestigasyon. Santi Celario