MANILA, Philippines – Magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang apat na weather system ngayong Huwebes, Nobyembre 26, habang tatlong lugar naman ang posibleng makaranas ng danger-level heat index na 42 degrees Celsius, ayon sa PAGASA.
Batay sa alas-4 ng umagang weather bulletin, makararanas ng maulap na kalangitan at pag-ulan ang Batanes dahil sa Northeast Monsoon o Amihan.
Magkakaroon naman ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Cagayan dahil sa shear line, habang apektado ng easterlies ang Eastern Visayas.
Sa Palawan, magdadala rin ng pag-ulan at thunderstorms ang trough o extension ng low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash flood at landslide sa mga naturang lugar, lalo na kapag naging malakas at tuluy-tuloy ang pag-ulan.
Huling namataan ang LPA sa layong 725 kilometro timog-timog-kanluran ng Kalayaan, Palawan, at inaasahang lalayo pa sa bansa.
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may paminsan-minsang pag-ulan o pagkulog ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Sa kabila ng pag-ulan, posibleng umabot sa 42°C ang heat index sa Borongan City sa Eastern Samar, Catarman sa Northern Samar at Cuyo sa Palawan.
May 25 pang lugar ang inaasahang makapagtatala ng heat index na hindi bababa sa 40°C.
Sa Metro Manila, posibleng umabot sa 39°C ang nararamdamang init sa Pasay City at Quezon City.
Ayon sa PAGASA, kabilang sa danger level ang heat index na 42°C hanggang 51°C, kung saan maaaring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion ang mga taong matagal na nakabilad sa init.
Maaari rin itong mauwi sa heat stroke kapag nagpatuloy ang matagal na pagkakalantad sa mataas na temperatura.
Pinayuhan ang publiko na umiwas sa matagal na pagbibilad sa araw, lalo na mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, uminom ng sapat na tubig at magsuot ng magagaan na damit.
Samantala, sinabi ni PAGASA senior weather forecaster Aldczar Aurelio na inaasahang hihina ang epekto ng Amihan at shear line pagsapit ng Biyernes, Nobyembre 27, habang easterlies ang magiging pangunahing weather system sa bansa.
Posible namang magkaroon ng panibagong bugso ng Amihan sa Northern Luzon sa weekend.
Patuloy ding binabantayan ng PAGASA ang Very Strong El Niño na inaasahang umabot sa pinakamalakas nitong yugto sa Disyembre at magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027. RNT