Home METRO Online predator na nakaimpluwensya sa estudyanteng nanaksak sa Caloocan, tinutugis ng PNP

Online predator na nakaimpluwensya sa estudyanteng nanaksak sa Caloocan, tinutugis ng PNP

2
0

MANILA, Philippines – Tinutugis ng Philippine National Police (PNP) ang isang hinihinalang online predator na umano’y nakaimpluwensiya sa isang 12-anyos na estudyante na saksakin ang dalawa nitong kamag-aral sa isang elementary school sa Caloocan City.

Iniutos ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Anti-Cybercrime Group (ACG) na tukuyin at hanapin ang indibidwal na umano’y nakipag-ugnayan sa menor de edad sa pamamagitan ng online gaming platform na Roblox at social media application na TikTok.

“Exploiting a minor’s vulnerability to incite real-world violence is a serious crime and we will pursue this perpetrator wherever they are hiding online,” pahayag ni Nartatez.

Hindi pa natutukoy ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng hinihinalang online predator at kung ito ay nasa Pilipinas o ibang bansa.

Inatasan din ng PNP chief ang National Capital Region Police Office at Caloocan City Police Station na alamin ang motibo sa pananaksak.

Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na umano’y binu-bully ang 12-anyos na suspek ng mga kamag-aral nito, kabilang ang pananakit at pangungutya. Gayunman, hindi pa ito nakukumpirma ng mga awtoridad.

Nagtamo ng pitong saksak ang isa sa mga biktima, habang dalawang saksak naman ang tinamo ng isa pa. Dinala sila sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at kapwa wala na sa panganib ang kanilang buhay.

Inirekomenda na ang kanilang paglabas sa ospital at sasailalim sila sa psychological debriefing.

“Our immediate concern is the recovery of the victims, the protection of the affected learners, and ensuring that all circumstances surrounding this incident are thoroughly investigated,” dagdag ni Nartatez.

Nasa kustodiya na ng Caloocan City Social Welfare and Development Office ang 12-anyos na estudyante.

Samantala, nanawagan ang National Parent Teacher Association Philippines (NPTA) ng mas mahigpit na paggabay ng mga magulang sa kanilang mga anak, lalo na sa kanilang pag-uugali at mga aktibidad online.

Ayon kay NPTA founding president Willie Rodriguez, hindi sapat ang seguridad sa mga paaralan upang maiwasan ang karahasan kung hindi rin tututukan ang mga bata sa tahanan at komunidad.

“Hindi sapat ang metal detector kung hindi natin natutugunan ang problema,” pahayag ni Rodriguez sa panayam ng DZMM nitong Huwebes.

Dagdag niya, marami pa ring paraan upang makapagdala ang mga estudyante ng mga ipinagbabawal na gamit sa paaralan.

Kinilala rin ni Rodriguez na nahihirapan ang ilang magulang na bantayan ang kanilang mga anak dahil sa trabaho at iba pang responsibilidad.

Sinabi niyang nakikipagtulungan ang NPTA sa Department of Education upang turuan ang mga opisyal ng parent-teacher association at mga magulang tungkol sa pag-iwas sa bullying sa pamamagitan ng mga forum at seminar. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here