Home METRO Barker, arestado matapos tutukan ng baril lalaking nagtanong sa kanya

Barker, arestado matapos tutukan ng baril lalaking nagtanong sa kanya

1
0

VALENZUELA CITY, Philippines – Arestado ang isang 19-anyos na barker matapos tutukan ng baril at pagbantaan ang isang lalaki na nagtanong lamang tungkol sa kinaroroonan ng kaibigan nito sa Valenzuela City, Miyerkules ng madaling araw.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagtungo ang biktimang si alyas “Joey,” 24, sa terminal ng pampublikong sasakyan sa Sulok Street, Barangay Ugong, dakong alas-3:30 ng madaling araw upang hanapin ang kaibigan niyang barker na si alyas “Caloy.”

Nang hindi makita ang kaibigan, tinanong ni Joey ang suspek na si alyas “Darwin” kung nakita nito si Caloy. Itinanggi naman ng suspek na may kilala siyang barker na ganoon ang alyas sa lugar.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang usapan hanggang bunutin ng suspek ang nakasukbit na baril sa kanyang baywang at itutok ito sa biktima habang sinasabi, “Gusto mo pasabugin ko ulo mo?”

Dahil sa takot, tumakbo ang biktima at humingi ng tulong kina Pat. Mikko Caballero at Pat. Jay-R Verano ng Valenzuela Police Sub-Station 8, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska sa suspek ang isang improvised na baril na may lamang isang bala ng kalibre .38.

Mahaharap siya sa kasong grave threats at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. Rene Manahan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here