MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2026 sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong bibiyahe pauwi sa mga probinsya at patungo sa mga tourist destination ngayong Kapaskuhan.
Naka-heightened alert ang PCG mula Disyembre 18, 2026 hanggang Enero 5, 2027 upang matiyak ang sapat na tauhan at kagamitan para sa maritime safety, security, law enforcement, search and rescue, at pangangalaga sa karagatan.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, umabot sa humigit-kumulang anim na milyon ang naitalang pasahero sa dagat noong Pasko 2025 at inaasahang mas dadami pa ito ngayong taon.
“As early as now, we are taking proactive measures to establish readiness of our deployable response groups, vessels, aircraft, and land mobility vehicles to achieve zero maritime incidents during the Yuletide period,” ani Cayabyab.
Ipinag-utos naman ni PCG Commandant Admiral Rommel Supangan ang mas mahigpit na inspeksyon sa mga barko upang matiyak ang kanilang pagiging seaworthy at pagsunod sa itinakdang kapasidad para sa mga pasahero at kargamento.
Mahigpit ding babantayan ang overloading at operasyon ng mga colorum na sasakyang pandagat. Katuwang ang Maritime Industry Authority (MARINA), maglalabas din ng special permits para sa mga karagdagang biyahe.
Palalakasin din ng PCG ang coastal patrols sa mga pangunahing pantalan at tourist destination, katuwang ang PNP, AFP, Philippine Ports Authority (PPA), mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder.
Tutulong din ang mga tauhan ng PCG sa DOTr Malasakit Help Desks sa mga terminal para magbigay ng medical assistance, impormasyon sa biyahe at tulong sa mga pasaherong ma-stranded dahil sa masamang panahon.
Hinimok ng PCG ang publiko na sumakay lamang sa mga awtorisadong sasakyang pandagat, sumunod sa mga safety guideline at unawain ang posibleng pagkansela ng biyahe dahil sa sama ng panahon, dahil kaligtasan ang pangunahing prayoridad. Jocelyn Tabangcura-Domenden