Home METRO Abusado sa Maynila, kokonyatan ni Isko, Chi

Abusado sa Maynila, kokonyatan ni Isko, Chi

1
0

MANILA, Philippines – “MAY kalalagyan ang mga lalaking mananakit at mang-aabuso sa kababaihan!”

Ito ang mariing babala nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza kasabay ng paglulunsad ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) na naglalayong tuldukan ang karahasan laban sa kababaihan at mga bata.

Hindi nagpaligoy-ligoy si Yorme sa kanyang mensahe sa mga kalalakihan: huwag na huwag lalabag sa batas laban sa Violence Against Women dahil hindi palalampasin ng pamahalaang lungsod ang sinumang mang-aabuso.

“Sa mga kababaihan, we celebrate with you. We should respect women,” diin ni Domagoso.

“Kaya kayong mga lalaki, mag-iingat kayo. Huwag kayong lalabag sa batas ng Violence Against Women. Kokonyatan kayo ni vice.” dagdag mi Yorme Isko.

Todo-suporta naman si Atienza sa babala ni Yorme at tiniyak na mismong sila ng alkalde ang haharap sa sinumang mananakit o mang-aapi sa mga Manileña.

“Kapag mayroong inabusong babae dito sa Maynila, makakasiguro kayo na dalawa ang kokonyat sa inyo: ang mayor at ang vice mayor ng Siyudad ng Maynila,” pahayag ni Atienza.

Hindi rin itinago ng bise alkalde ang kanyang paninindigan na dapat pantay ang pagtingin sa kababaihan at kalalakihan. Ibinahagi pa niya ang naranasan niyang pambabatikos at pangungutya sa social media noong panahon ng kampanya, ngunit sa halip na panghinaan ng loob ay ginawa niya itong inspirasyon upang ipaglaban ang karapatan ng mga babae.

Hinikayat din ni Atienza ang mga inang nagtatrabaho at nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya na huwag hayaang yurakan ng sinuman ang kanilang dignidad.

Samantala, pinangunahan ni Councilor Irma Alfonso ang pagpapatunog ng mga pito bilang hudyat ng nagkakaisang paninindigan ng Maynila laban sa pang-aabuso.

Tiniyak ni Alfonso na hindi pababayaan ng alkalde, mga konsehal at mga barangay ang sinumang biktimang maglalakas-loob na magsumbong.

“Kung wala kayong boses, kayong mga nagdurusa ngayon, kami ang magiging boses ninyo. Susuportahan namin kayo mula sa umpisa hanggang sa wakas,” ani Alfonso.

Nangako rin si Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Dela Fuente na handang rumesponde ang kanilang tanggapan araw at gabi upang protektahan ang mga babaeng at batang biktima ng karahasan.

Isinagawa ang paglulunsad ng kampanya nitong Nobyembre 25 sa pamamagitan ng CineBabaylan, katuwang ang Philippine Commission on Women (PCW), at isang pangunahing programa na dinaluhan ng mga opisyal ng lungsod, konsehal, barangay leader at iba’t ibang sektor.

Sa ilalim ng temang “UNiTEd for a VAW-free Philippines,” tatagal ang kampanya hanggang Disyembre 12.

Kasabay nito, paiigtingin ng pamahalaang Maynila ang pagpapatupad ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, RA 11313 o Safe Spaces Act at RA 8353 o Anti-Rape Law. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here