MANILA, Philippines – Itinuring ng Malakanyang na “walang basehan” at “walang kabuluhan” ang pahayag ng kampo ni Bise Presidente Sara Duterte na itinuturing umano siya ng administrasyong Marcos bilang “pangunahing kaaway ng bayan.”
Sa press conference sa Baguio City, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pag-aaksaya lamang ng oras ang pagsagot sa naturang alegasyon.
“Walang basehan, walang kuwenta, huwag nang pag-aksayahan ng oras,” ani Castro.
Sa panayam kamakailan, inakusahan ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, ang administrasyong Marcos na ginagawa ang lahat upang pabagsakin ang Bise Presidente. Binanggit din niya ang umano’y mga dokumentadong banta sa seguridad laban kay Duterte at sa kanyang pamilya.
Samantala, pinayuhan ni Castro si Duterte na dumaan sa naaangkop na legal na proseso kung hindi siya sang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang pinagsama-samang petisyon para sa writ of habeas corpus na kumukuwestiyon sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
“Nagsalita na po ang Supreme Court. Wala pong puwedeng magkuwestiyon sa pamamagitan lang ng pagsasalita sa media,” ani Castro.
Dagdag pa niya, “Ang pagkuwestiyon po sa anumang desisyon ng Supreme Court ay dinadaan sa isang motion for reconsideration.”
Tungkol naman sa argumento ni Duterte hinggil sa soberanya ng bansa, itinuro ni Castro ang Seksyon 2 ng Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, na nagpapahintulot sa pagsuko ng isang akusado sa isang pandaigdigang hukuman sa ilalim ng ilang kondisyon.
Ayon kay Castro, nilagdaan ang batas noong Disyembre 11, 2009, noong miyembro pa ng ICC ang Pilipinas.
Binanggit din niya ang naunang pahayag ng Korte Suprema na kumikilala sa hurisdiksyon ng ICC sa mga krimeng nagawa bago naging ganap ang pagkalas ng Pilipinas sa hukuman noong Marso 17, 2019.
Iginiit ni Castro na kumilos ang pamahalaan alinsunod sa mga batas ng bansa at sa mga naunang obligasyon nito bilang miyembro ng ICC.
Hinimok din niya ang publiko na subaybayan ang paglilitis laban sa dating pangulo sa ICC dahil kapwa Pilipino ang mga nagrereklamo at ang akusado.
“Hindi lamang gobyerno ang dapat sumubaybay,” ani Castro.
Binigyang-diin niya na may kaugnayan ang kaso sa paghahanap ng katarungan kaya mahalagang manatiling may sapat na kaalaman ang mga Pilipino sa mga nagaganap at pag-usad ng paglilitis. Kris Jose