Home HOME BANNER STORY Mga gasolinahang ‘di susunod sa price rollback, sususpindihin ng DOE

Mga gasolinahang ‘di susunod sa price rollback, sususpindihin ng DOE

1
0

MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Department of Energy (DOE) na suspindihin ang Certificate of Compliance (COC) ng mga gasolinahang hindi sumunod sa ipinag-utos na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay DOE Legal Services head Atty. Gabriel Corpuz, naghahanda na ang ahensya ng mga liham para ipaalam sa mga local government unit (LGU) ang pagsususpinde sa mga COC ng mga gasolinahang hindi nagbigay ng paliwanag sa kanilang hindi pagsunod sa price adjustment.

Nauna nang naglabas ang DOE ng 259 show cause order laban sa mga kumpanya ng langis na hindi sumunod sa tinatayang price rollback ng ahensya nitong mga nakaraang linggo.

Sa Luzon, 20 lamang sa 93 gasolinahang pinadalhan ng kautusan ang pormal na nagpaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin ang kanilang COC.

Paliwanag ni Corpuz, sa ilalim ng State of Energy Emergency, may kapangyarihan ang DOE na magtakda ng galaw ng presyo ng produktong petrolyo at obligadong sumunod dito ang mga gasolinahan.

May kapangyarihan din umano ang mga LGU na ipasara ang mga gasolinahang walang COC, na kinakailangan bago makapagsimula ng operasyon.

Kinumpirma naman ng Jetti Petroleum na nakatanggap ito ng show cause order mula sa DOE, ngunit sinabi nitong naipaliwanag na nila ang kanilang naging price adjustments nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, may mga pagkakataong nauuna nilang ipatupad ang rollback dahil sa kompetisyon, kaya maaaring magkaiba ang presyong naibababa nila pagsapit ng Martes at ang anunsyo ng DOE.

Samantala, patuloy na bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado batay sa Mean of Platts Singapore para sa trading period Nobyembre 23 hanggang 25, 2026.

P4.10 kada litro ang ibinaba ng diesel, samantalang P2.90 kada litro naman sa gasolina, at P3.70 kada litro sa kerosene.

Ayon sa mga eksperto, nangangamba ang merkado sa posibleng sobrang suplay ng langis dahil sa mahinang demand.

Gayunman, tumaas ang presyo ng krudo nitong Huwebes kasunod ng mga pagsabog sa Yemen at isang lugar malapit sa Dubai, United Arab Emirates. Iniulat din ng Saudi-led coalition na naharang ng kanilang air defense ang dalawang ballistic missile na pinakawalan ng grupong Houthi patungong Riyadh.

Sa kabila ng inaasahang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado, positibo si Bellas na magkakaroon pa rin ng panibagong rollback sa Martes.

Batay sa unang tatlong araw ng trading ngayong linggo, inaasahan niyang maaaring umabot sa P3 kada litro ang bawas-presyo sa diesel at P2.50 kada litro naman sa gasolina. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here