MANILA, Philippines — Hinimok ng Malacañang ang mga Pilipino na subaybayan ang nakatakdang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), iginiit na kapwa Pilipino ang mga nagrereklamo at ang akusado sa naturang kaso.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, hindi lamang pamahalaan ang dapat tumutok sa mga pagdinig dahil direktang sangkot dito ang mga mamamayan ng bansa.
“Hindi lamang ang gobyerno ang dapat sumubaybay sa anumang hearing; ang sangkot, ang involved, ay mga Pilipino,” ani Castro sa Palace briefing nitong Huwebes, Nobyembre 26.
Binigyang-diin din niya na nararapat lamang na subaybayan ng publiko ang proseso dahil nakasalalay dito ang paghahanap ng katarungan para sa mga nagrereklamo.
Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte sa ICC Trial Chamber III sa The Hague, Netherlands.
Sa unang araw ng paglilitis, inaasahang titiyakin muna ng mga hukom kung nauunawaan ni Duterte ang mga kasong kinakaharap niya at tatanungin kung aamin siya o maghahain ng not guilty plea.
Susundan ito ng mga pambungad na pahayag ng prosekusyon at mga kinatawan ng mga biktima, habang maaari ring maglahad ng sariling pambungad na pahayag ang depensa.
Ayon sa ICC, tinatayang 100 testigo ang inaasahang ihaharap ng prosekusyon sa kabuuan ng paglilitis. Inaasahan namang makapagtestigo ang unang limang testigo bago magsimula ang winter judicial recess sa Disyembre 18.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity na may kaugnayan sa umano’y malawak at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa konteksto ng kampanya kontra droga mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.
Kabilang sa mga kasong ito ang mga umano’y pagpatay sa Davao City noong alkalde pa siya, pagpatay sa mga itinuturing na high-value targets noong panahon ng kanyang pagkapangulo, at mga pagpatay at tangkang pagpatay sa mga operasyon ng barangay clearance.
Mahigit 500 biktima ang pinahintulutang lumahok sa paglilitis sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan.
Gayunman, hindi pa nangangahulugan ng pagkakasala ang mga paratang laban kay Duterte. Nasa mga hukom ng ICC ang pagpapasya batay sa mga ebidensyang ihaharap ng magkabilang panig, at kailangan munang mapatunayan ang kanyang pagkakasala nang lampas sa makatwirang pagdududa. RNT