CEBU CITY – Sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang P431.72 milyong halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga at expired medicines sa isinagawang thermal destruction sa Cebu City nitong Huwebes, Nobyembre 26.
Ayon sa PDEA, nasa 41 kilo ng mga kontrabando ang isinailalim sa pagsunog sa Cosmopolitan Funeral Homes Inc., kabilang ang marijuana at iba pang mapanganib na droga na nakumpiska sa iba’t ibang operasyon sa Cebu at mga ipinasa mula sa Bohol.
Nakumpiska ang mga ilegal na droga sa mga operasyong isinagawa noong Oktubre bago maglabas ng kautusan ang korte para sa kanilang pagsira.
Ayon sa ahensya, ikalawa na ito sa pinakamalaking halaga ng mga nakumpiskang droga at kontrabandong sinira nito, kasunod ng naitalang P600 milyon mula Hulyo 2017.
Isinagawa ang aktibidad alinsunod sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dumalo sa pagsira sina PDEA Director General Isagani R. Nerez, PDEA-7 Regional Director Joel Plaza, kinatawan ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu na si Kevin Dinsay, at mga kinatawan ng Regional Trial Court.
Ayon pa sa PDEA, mahalaga ang thermal destruction upang matiyak na tuluyang mawawala ang mga nakumpiskang kontrabando at maiwasan ang posibilidad na muling magamit, mailihis o maikalat ang mga ito sa ilegal na paraan. Dave Medina