Home NATIONWIDE Tanggalan ng 90 piloto sa AirAsia, pinaiimbestigahan sa Kamara

Tanggalan ng 90 piloto sa AirAsia, pinaiimbestigahan sa Kamara

1
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Kamara na imbestigahan ang nakatakdang pagtanggal sa trabaho ng nasa 90 piloto ng AirAsia Philippines sa gitna ng pangamba ng labor group na posibleng may kinalaman ito sa pagtatatag ng unyon ng mga manggagawa.

Ayon sa TUCP, halos kalahati ng tinatayang 200 piloto ng airline ang posibleng mawalan ng trabaho pagsapit ng Disyembre 31, 2026.

Ikinababahala ng grupo ang timing ng retrenchment dahil kasabay umano nito ang pagtanggap ng AirAsia Philippines Pilots Union (APPU) ng kautusang nagbibigay-daan sa pagsasagawa ng certification election upang makapili ang mga piloto ng kanilang kinatawan sa collective bargaining.

Ang APPU ay kaanib ng Associated Professional Supervisory Office and Technical Employees Union (APSOTEU-TUCP).

Naghain ang unyon ng petisyon para sa certification election noong Setyembre 4, 2026 upang bigyang-daan ang mga piloto na pumili ng kanilang kinatawan sa pakikipagnegosasyon sa pamunuan ng airline.

Dahil dito, naghinala ang TUCP na maaaring may kaugnayan ang nakatakdang retrenchment sa pagsisikap ng mga piloto na organisahin ang kanilang hanay at igiit ang karapatan sa collective bargaining.

Iginiit ng grupo na hindi dapat mawalan ng trabaho ang mga piloto dahil lamang sa paggamit nila ng karapatang magtatag ng unyon.

Nanawagan ang TUCP, na kinakatawan sa Kamara ni Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza, sa Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon at sa Department of Labor and Employment (DOLE) na agarang kumilos upang matiyak na hindi nalalabag ang karapatan ng mga manggagawa.

Hiniling din nito sa AirAsia Philippines na suspendihin ang retrenchment, panatilihin o ibalik sa trabaho ang mga apektadong kapitan at first officer, at makipag-usap nang maayos sa APPU.

Binigyang-diin ng TUCP na dapat igalang ng pamunuan ng airline ang karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa at makipagtawaran para sa kanilang kapakanan, alinsunod sa Konstitusyon, Labor Code at mga internasyonal na pamantayan sa paggawa.

Samantala, wala pang pahayag mula sa pamunuan ng AirAsia Philippines hinggil sa mga alegasyon ng TUCP at sa kahilingan nitong suspendihin ang nakatakdang retrenchment. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here