MANILA, Philippines – Nanindigan ang Commission on Human Rights (CHR) laban sa aborsyon, maliban sa mga pambihirang sitwasyon gaya ng panganib sa buhay ng babae, pagbubuntis bunga ng panggagahasa at mga medikal na kadahilanan.
Tinalakay ang paninindigan ng komisyon sa plenary deliberations ng Senado para sa panukalang P1.285-bilyong budget nito para sa 2027.
Tinanong ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ang kasalukuyang posisyon ng CHR sa aborsyon, kasunod ng mga panukalang naglalayong alisin ang pagiging kriminal nito.
Bilang budget sponsor, ipinaliwanag ni Sen. JV Ejercito na nananatiling pro-life ang opisyal na paninindigan ng komisyon at tutol ito sa aborsyon maliban sa mga matitinding pagkakataon.
“The official stand of the Commission on Human Rights is pro-life. They are anti-abortion, except in extreme circumstances, for example, life-threatening, second, victims of rape, and medical reasons,” ani Ejercito.
Matapos marinig ang paliwanag, sinabi ni Sotto na wala na siyang karagdagang katanungan at ipinahayag ang buong suporta sa panukalang budget ng komisyon.
Ikinatuwa rin ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang naturang paninindigan at nagpahayag ng pagtutol sa anumang panukalang batas na magdedekriminalisa sa aborsyon.
Samantala, nauna nang iginiit ng Department of Justice (DOJ) na nananatiling krimen ang aborsyon sa ilalim ng umiiral na batas, bagama’t bukas ito sa pagtalakay ng mga posibleng eksepsiyon sa pamamagitan ng mga susog sa Revised Penal Code (RPC).
Inihahanda ang mga pagbabago sa naturang batas sa gitna ng mga panukala ng ilang mambabatas na alisin ang kriminal na pananagutan sa aborsyon. Santi Celario