MANILA, Philippines – Binatikos ni Sen. Panfilo Lacson ang panukalang pondo para sa Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) sa 2027 national budget, na tinawag niyang isang uri ng “presidential pork barrel” dahil sa kawalan umano ng malinaw na pagtatalaga kung saan ito gagastusin.
Sa plenary deliberations ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Transportation (DOTr), kinuwestiyon ni Lacson ang lump-sum allocation ng FALGU at iginiit na hindi sapat na natutukoy ang mga paggagamitan nito.
“I hate to say this, but this is actually pork barrel po ito eh. And again, I hate to say this, this is a presidential pork,” pahayag ni Lacson.
Kabilang umano sa iilang bahagi ng alokasyon na nakikita niyang kapaki-pakinabang ang Growth Equity Fund, na may pondong nasa P61 bilyon. Gayunman, P8.7 bilyon na lamang umano ang natitira sa ilalim ng FALGU matapos ang mga pagbabawas sa panukalang budget.
Ayon sa senador, nais niyang matukoy ang mga pondong maaaring ilipat upang maibalik ang alokasyon para sa mga foreign-assisted projects na nabawasan sa bersyon ng budget na inaprubahan ng Kamara.
Nagbabala si Lacson na maaaring mas malaki pa ang maging gastos ng pamahalaan kapag hindi naipatupad ang mga proyektong ito dahil sa pagbabayad ng commitment fees at penalties, bukod sa posibleng pagkalagay sa alanganin ng mga kasunduan ng bansa sa mga foreign lender.
Batay sa kanyang datos, mula sa P213.7 bilyong panukalang pondo ng ehekutibo para sa foreign-assisted projects noong 2024, P41.2 bilyon lamang ang naiwan matapos ang pagbabawas ng Kongreso.
Noong 2025, mula sa orihinal na P180.9 bilyon, naging P89.8 bilyon na lamang ang inilaan sa enacted budget.
Para naman sa 2026, nabawasan ang panukalang P197.3 bilyon at naging P137.8 bilyon.
Binanggit din ni Lacson ang naunang pagbabayad ng pamahalaan ng tinatayang P600 milyon hanggang P650 milyong commitment fees at penalties dahil sa hindi pagpapatupad ng ilang foreign-assisted projects.
Ayon naman kay Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito, umabot na sa P1.7 bilyon ang kabuuang commitment fees na binayaran ng pamahalaan mula 2014 hanggang 2026.
Nagbabala si Lacson na maaari pang madagdagan ang mga gastusing ito kapag hindi naibalik sa 2027 budget ang pondong kailangan upang maipagpatuloy ang mga proyekto. Nais din niyang maibalik ang P5.1 bilyong kinakailangan para sa mga ito.
Samantala, bukod sa FALGU, kinuwestiyon din ni Lacson ang nakalaang P48.14 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Iminungkahi ng senador na ilipat ang naturang pondo sa mga regular na programa at subprograms ng ahensya sa halip na panatilihin itong hiwalay sa ilalim ng AICS.
Gayunman, ikinadismaya niya ang posisyon ng DSWD na panatilihin ang naturang alokasyon sa kasalukuyang programa.
Matagal nang isinusulong ni Lacson ang pagsasaayos ng mga gastusin ng pamahalaan upang mas mapunta ang pondo sa mga programang lumilikha ng trabaho, nagpapasigla sa ekonomiya at nagbibigay ng pangmatagalang pakinabang sa publiko sa halip na umasa sa mga alokasyon para sa financial assistance.
Samantala, sinabi ni Ejercito na sinisikap ng komite na itama ang mga kakulangan sa panukalang budget sa pamamagitan ng paglilipat ng pondo sa mga proyekto at programang may direktang ambag sa pambansang kaunlaran. RNT