Home HOME BANNER STORY Paghingi ng ambag sa pobreng Pinoys pambayad sa utang ng Pinas, ‘unreasonable’...

Paghingi ng ambag sa pobreng Pinoys pambayad sa utang ng Pinas, ‘unreasonable’ – Palasyo

1
0

MANILA, Philippines – Hindi makatarungan na hingan pa ng ambag ang mahihirap na Pilipino upang makatulong sa pagbabayad ng pambansang utang na umabot na sa ₱19.66 trilyon, ayon sa Malacañang.

Ito ang naging pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Huwebes, Nobyembre 26, kasunod ng mungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano na mangalap ng boluntaryong donasyon mula sa mga Pilipino upang mabawasan ang pagkakautang ng bansa.

Ayon kay Castro, hindi makatuwirang dagdagan pa ang pasanin ng mga mamamayang kabilang sa pinakamahihirap na sektor upang tustusan ang mga obligasyon ng pamahalaan.

“Hindi po reasonable na iyong nasa laylayan ng lipunan ay hingin mo pa ng pag-ambag para sa mga kailangang bayarin ng ating bansa,” ani Castro sa isang Palace briefing.

Ipinaliwanag niya na ginagamit na ng pamahalaan ang pera ng mga nagbabayad ng buwis upang magbigay ng tulong sa mga mahihirap at iba pang bulnerableng sektor, partikular sa mga naaapektuhan ng kalamidad at iba pang krisis.

Dagdag pa ng opisyal, nagdudulot ng karagdagang gastusin sa pamahalaan ang madalas na pananalasa ng malalakas na bagyo at iba pang hindi inaasahang sakuna na nangangailangan ng pondo para sa pagtugon at rehabilitasyon.

Bukod dito, inilalaan din ang pondo ng bayan para sa mga proyektong pang-imprastraktura at iba pang serbisyo publiko.

Hinimok naman ni Castro ang mga nagmumungkahi ng solusyon sa problema sa pambansang utang na suriing mabuti kung makatarungan at makatwiran ang kanilang mga panukala para sa publiko.

Batay sa datos ng pamahalaan, umabot sa ₱19.66 trilyon ang outstanding national government debt ng Pilipinas sa pagtatapos ng ikatlong quarter ng 2026.

Katumbas ito ng tinatayang ₱170,000 na utang sa bawat Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here