Home METRO Drayber utas sa bumulusok na kotse sa gusali sa Makati

Drayber utas sa bumulusok na kotse sa gusali sa Makati

1
0

MAKATI CITY – Nasawi ang isang 55-anyos na driver matapos bumulusok ang minamaneho niyang kotse mula sa ikaapat na palapag ng parking area ng isang gusali sa Makati City nitong Huwebes ng umaga, Nobyembre 26.

Kinumpirma ni Makati City Police Chief P/Col. Pedro Alagano Jr. ang pagkamatay ng driver matapos ang insidente dakong alas-11:40 ng umaga sa Citadines Benavidez Makati.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pababa umano ang sasakyan mula sa ikalimang palapag patungo sa parking area sa ikaapat na palapag nang sumalpok ang kaliwang bahagi ng unahan nito sa pader ng gusali.

Nawalan umano ng kontrol ang driver matapos ang pagsalpok. Tumama pa ang sasakyan sa isang bollard bago tuluyang bumangga at bumutas sa pader hanggang mahulog mula sa gusali.

Rumesponde ang mga tauhan ng Makati City Rescue at nadatnang walang pulso at hindi na humihinga ang driver. Kalaunan ay kinumpirma ng pulisya ang pagkamatay nito.

Sa pahayag ng The Ascott Limited Philippines, operator ng Citadines Benavidez Makati, ang sasakyan ay pag-aari ng isang tenant ng pribadong tirahan sa naturang gusali.

Sinabi ng kompanya na nakikipagtulungan ito sa mga awtoridad sa imbestigasyon at prayoridad nitong matulungan ang mga naapektuhan ng insidente.

Samantala, inalis na sa lugar ang mga debris, kabilang ang mga natanggal na bahagi ng bakal ng gusali, gayundin ang wasak na sasakyan matapos makuha ang mga labi ng driver. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here