Home OPINION SERBISYO, HINDI PULITIKA, LABAN NI MAYOR LIZA

SERBISYO, HINDI PULITIKA, LABAN NI MAYOR LIZA

1
0

SLOGAN ni Balayan Mayor Liza Ermita-Abad – “SA BAGONG BALAYAN, MAMAMAYAN ANG UNA”. Malinaw ang mensahe na hindi dapat kulay ng pulitika ang maging batayan ng serbisyo, kundi ang pangangailangan ng mamamayan.

Kamakailan, namahagi ang lokal na pamahalaan ng 96 na brand-new electric scooter para sa mga barangay health worker (BHW) at barangay tanod, gayundin ng 48 chainsaw at 48 power generators. Mga kagamitang magagamit sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan at pagtugon sa mga emergency sa komunidad.

Kapansin-pansin ang isang bagay: sa 48 barangay ng Balayan, (syempre sa Batangas iyan. Ala Eh! – Ed) 12 lamang na barangay chairman ang sinasabing kakampi ng alkalde. Gayunman, nagawa siyang ipanalo ng mga residente, mga botante. Patunay ito na hindi kailangang kontrolado ng isang mayor ang lahat ng lider sa barangay upang makuha ang tiwala ng taumbayan.

Sa halip na magkimkim ng sama ng loob sa mga hindi niya kapanalig, pinili ni Mayor L.E.A. (Liza Ermita-Abad) na magpatuloy sa paglilingkod. Hindi niya ginagawang kondisyon ang pakikiisa sa pulitika bago pagkalooban ng tulong ang isang komunidad.

Hindi rin kataka-takang marami ang humahanga sa kanyang pagkatao. Ayon sa mga residente at mga tauhan niya, napakabait, napakasimple, matalino at marunong makisama sa lahat ng uri ng tao. At kahit ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig, hindi ito naging hadlang upang makitungo siya nang maayos sa karaniwang mamamayan.

Dito nasusukat ang tunay na liderato. Hindi sa dami ng kakampi, hindi sa lakas ng makinaryang pampulitika, kundi sa kakayahang maglingkod nang patas at walang pinipili.

Sana’y magsilbing aral ito sa mga lider na inuuna ang sariling kampo kaysa kapakanan ng kanilang nasasakupan. Ang posisyon ay hindi pag-aari ng isang partido o grupo. Ito ay ipinagkatiwala ng taumbayan upang gamitin sa ikabubuti ng lahat.

Sa BAGONG BALAYAN ni Mayor L.E.A., hindi kailangang maging kakampi upang makinabang sa serbisyo ng pamahalaan. Dahil para sa isang lider na tunay na nagmamalasakit, ang bawat residente ay bahagi ng bayan, anoman ang kanilang kulay sa pulitika.

Iyan ang serbisyong may malasakit. Iyan ang pamumunong dapat pamarisan. Mayor Liza Ermita-Abad, saludo sa iyo ang PAKUROT dahil isa kang tunay na LIDER na may malasakit sa mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here