SA public transport, hindi lamang kaginhawahan sa biyahe ang dapat tiyakin. Higit sa lahat, kailangang ligtas at protektado ang mga pasahero at mga manggagawa sa transportasyon, kabilang ang mga driver at konduktor.
Hindi ligtas sa masasamang loob ang sinoman. Maaaring maging biktima ng mandurukot, holdaper, carnapper at mga sex offender ang mga pasahero, gayundin ang mga driver at konduktor. Minsan, sa terminal pa lamang o sa mga loading at unloading zone ay nakaabang na ang mga kriminal sa kanilang bibiktimahin.
Sa siksikang sasakyan, madaling makapambiktima ang mga mandurukot. Sa mga lugar namang liblib, madilim o kakaunti ang tao, mas nanganganib ang mga pasaherong maaaring holdapin o pagsamantalahan. Hindi dapat balewalain ang ganitong mga panganib.
Kaya mahalaga ang sapat na police visibility sa mga terminal at loading at unloading zone. Dapat ding maglagay ng mga CCTV at tiyaking maliwanag ang mga lugar na dinaraanan at hinihintuan ng mga pampasaherong sasakyan para bumaba o sumakay ang mga sa pasahero. Ang presensya ng mga pulis ay hindi lamang para umaksyon kapag may krimeng naganap, kundi higit sa lahat, upang maiwasan ito.
Gayunman, kailangan ding maging mapagmatyag ang mga pasahero. Iwasang magpakita ng mamahaling alahas at iba pang gamit na maaaring makaakit sa mga kriminal. Limitahan ang paggamit ng cellphone sa mga lugar na madaling maagaw ito at huwag maging kampante sa paligid. Kapag may kahina-hinalang kilos, agad itong iwasan at ipagbigay-alam sa kinauukulan o tumawag sa hotline ng kapulisan.
Dapat ding manatiling alerto ang mga driver at konduktor upang makatulong sa pag-iwas sa krimen at agarang pag-uulat ng mga kahina-hinalang pangyayari.
Kung nakakaya ng pulisya na magtalaga ng libo-libong pulis tuwing may mga rally, dapat kaya rin nilang maglaan ng sapat na tauhan sa mga transport hub.
Huwag hintaying may mabiktima bago kumilos. Malapit na ang Kapaskuhan, panahon ng dagsa ng mga pasahero at pagdami ng pagkakataon para sa mga kriminal. Dapat nating tandaan na WALANG HOLIDAY ang krimen, kaya walang puwang ang kapabayaan sa seguridad.






