Home NATIONWIDE NoKor pansamantalang itinigil pagpapadala ng missile sa Russia

NoKor pansamantalang itinigil pagpapadala ng missile sa Russia

1
0

UKRAINE – Pansamantalang sinuspinde ng North Korea ang ilang bahagi ng pakikipagtulungang militar nito sa Russia, kabilang ang pagpapadala ng mga KN-23 ballistic missile at artillery shells, kasunod ng tensiyong diplomatiko sa pagitan ng dalawang magkaalyadong bansa.

Ayon sa ulat ng Ukrainian military intelligence agency na GUR nitong Huwebes, Nobyembre 26, inanunsyo umano ni North Korean Foreign Minister Choe Son Hui noong nakaraang buwan ang pansamantalang paghinto ng kooperasyon bilang tugon sa pahayag ni Russian Deputy Foreign Minister Andrey Rudenko na tutulong ang Moscow na mapababa ang tensiyon sa pagitan ng Seoul at Pyongyang.
Hiniling umano ni Choe na linawin ng Russia ang polisiya nito sa South Korea.

Kabilang din sa mga ipinahinto ang paglipad ng mga eroplanong militar ng Russia sa himpapawid ng North Korea at pagpapadala ng mga armas sa Moscow.

Gayunman, hindi pa nabeberipika ng Reuters ang nilalaman ng ulat ng GUR. Hindi rin agad nagbigay ng komento ang mga kinauukulang opisyal ng Russia at North Korea.

Mula 2023, nagsusuplay na ang North Korea ng mga armas sa Russia, habang nagpadala naman ito ng mga sundalo simula 2024.

Ayon pa sa GUR, hindi rin muna pinagbibigyan ng Pyongyang ang kahilingan ng Moscow na palakihin ang bilang ng mga sundalo mula sa North Korea sa Russia mula sa tinatayang 8,500 patungo sa 50,000.

Patuloy namang nakatalaga sa Kursk region ang mga yunit ng 11th Corps ng hukbong North Korean.

Samantala, sa kabila ng iniulat na pansamantalang paghinto ng kooperasyong militar, nagpapatuloy ang diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa.

Noong nakaraang linggo, tinanggap ni Russian President Vladimir Putin sa Kremlin si Jo Yong Won, isa sa mga pinakamalapit na opisyal ni North Korean leader Kim Jong Un.

Kapwa umano pinuri ng mga ito ang pagtutulungan ng kanilang mga bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here