MANILA, Philippines – Kinondena ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpatay at pagkatay sa dalawang marine turtles matapos madiskubre ang mga labi nito sa Barangay Tiguis, Lila, Bohol.
Babala ng ahensya, maaaring makulong ng anim na taon at magmulta ng hanggang P500,000 ang mga nasa likod nito.
Sa abiso na inilabas nitong Huwebes, Nobyembre 26, sinabi ng DENR na ang insidente ay lumabag sa Republic Act No. 9147, o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, na pumuprotekta sa marine turtles bilang threatened wildlife species.
Sa ilalim ng Section 28, ang pagpatay sa protected wildlife ay may parusang hanggang anim na taong pagkabilanggo at multang hanggang P500,000.
Iniulat ang insidente sa mga awtoridad noong Nobyembre 18 kung saan rumesponde ang mga tauhan ng DENR Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Tagbilaran City sa ulat ng patay na pawikan sa Barangay Tiguis.
Ayon sa Bohol Provincial Environment Management Office (BPEMO), ang unang pawikan ay nadiskubre 5:30 ng umaga ng magsasaka. Iniulat niya ito sa barangay kagawad na siya namang nag-abiso sa kapitan.
Dito na nadiskubre ng rumespondeng mga tauhan ang patay na green sea turtle (Chelonia mydas) na pira-piraso na ang katawan. Tanging ulo, lamang loob at buntot na lamang ang natira dito.
Habang dinodokumento ng team ang insidente ay sinabi naman ng operator ng isang bangka na may nakita silang isa pang patay na pawikan na palutang-lutang sa baybayin.
Nakuha ng mga tauhan ang ikalawang pawikan na tanging laman lamang ang kinuha.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na natukoy na nila ang person of interest kaugnay sa insidente.
Ito ay matapos umanong makitaan ng bakas ng dugo ang lambat na nasa isang bangka, kasama ang piraso ng kahoy na hinihinalang ginamit pamalo sa pawikan, bago tuluyang katayin.
Sa kabila nito ay nagpapatuloy ang imbestigasyon at beripikasyon ng pulisya. RNT/JGC