MANILA, Philippines – Dalawang lalaki at isang babae ang nasawi sa banggaan ng motorsiklo sa Barangay Salinas, Bambang, Nueva Vizcaya gabi ng Miyerkules.
Ayon sa Bambang police, kinilala ang nasawi na 23-anyos na lalaki at live-in partner nito na kapwa residente ng Sitio Nangcalapan, Barangay Salinas, at 17-anyos na residente ng Barangay Homestead.
Sa imbestigasyon, pauwi na ang mag-live in mula sa palengke nang makabangaan ang motorsiklo ng teenager.
Sinakop umano ng motorsiklo ng teenager ang daanan ng mag-live in.
Ayon naman sa mga saksi, mabilis ang patakbo ng dalawang motorsiklo.
Agad na isinugod ng mga tauhan ng Bambang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang tatlong biktima sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival. RNT/JGC