Home NATIONWIDE VP Sara, ‘di umaasa sa patas na ICC trial ng ama

VP Sara, ‘di umaasa sa patas na ICC trial ng ama

1
0

MANILA, Philippines — Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi siya umaasang magkakaroon ng patas na paglilitis ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands.

Sa isang press conference nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ng Bise Presidente na bagama’t may pagdududa siya sa magiging proseso ng paglilitis, wala naman silang reklamo sa pagtrato sa kanyang ama sa detention facility.

“The Dutch prison is taking good care of [former] president Duterte,” ani Sara.

Umaasa rin ang Bise Presidente na muling hihiling ang defense team ng kanyang ama na payagan itong makilahok sa paglilitis sa pamamagitan ng video conference sa halip na personal na humarap sa courtroom.

Ayon kay Sara, mas magiging komportable ang dating pangulo kung maaari itong makilahok nang online, dahil makakakilos ito, makatatayo at makakakain kung kinakailangan.

“I did hope that the court will allow him remote attendance, online attendance so he can stand up, he can do his thing, he can eat, whatever he wants to,” pahayag niya.

Gayunman, sinabi niyang hindi naunang pinayagan ang naturang kahilingan, kaya umaasa siyang muling ihaharap ito ng mga abogado ng kanyang ama sa mga susunod na araw.

Nakatakdang magsimula ang paglilitis kay Rodrigo Duterte sa Nobyembre 30 kaugnay ng tatlong bilang ng crimes against humanity na kinabibilangan ng mga alegasyon ng murder at attempted murder.

Nag-ugat ang kaso sa mga pagpatay na umano’y naganap sa Davao City at sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga.

Nauna nang kinumpirma ng ICC ang mga sakdal laban sa dating pangulo noong Abril 23, 2026, upang maipagpatuloy ang kaso sa yugto ng paglilitis.

Nananatili namang mga alegasyon ang mga paratang laban kay Duterte habang wala pang pinal na hatol ang korte. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here