MANILA, Philippines — Inihayag ni Vice President Sara Duterte na nais niyang personal na ipagtanggol ang sarili bilang abogado sa kanyang impeachment trial sa Senado, ngunit hindi umano ito pinapansin ng kanyang defense lawyer na si Atty. Michael Poa.
Sa press conference nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni Duterte na ilang beses na niyang hiniling kay Poa na payagan siyang pormal na humarap bilang sariling abogado sa impeachment court.
“Ilang beses na ako nagsabi sa kanya na, ‘Michael Poa, allow me to enter my appearance for myself, allow me to lawyer for myself and stand there as a lawyer,’” ani Duterte.
“Hindi niya talaga ako pinapansin at all. Somehow, nililihis niya yung usapan,” dagdag ng Bise Presidente.
Kasalukuyang dinidinig ng Senate Impeachment Court ang natitirang impeachment charge laban kay Duterte na may kaugnayan sa alegasyon ng ill-gotten o unexplained wealth.
Nauna nang binawi ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na articles of impeachment upang ituon ang paglilitis sa usapin ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
Sa kabila ng mga alegasyon, sinabi ni Duterte na handa niyang tanggapin ang anumang magiging desisyon ng Senado sa kanyang kaso.
“We will accept whatever it is that the judgement of the Senate impeachment court will give for the impeachment trial. We will all have to live with the consequences of this,” pahayag niya.
Gayunman, hindi nagbigay ng tiyak na sagot si Duterte kung personal siyang dadalo sa Senado sa araw ng paglalabas ng hatol.
Aniya, nakadepende ito sa kanyang iskedyul, partikular kung nasa Davao City siya para sa mga nakatakdang aktibidad sa Disyembre.
Nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial sa Disyembre 1, kung saan magpapatuloy ang presentasyon ng mga testigo at ebidensya ng depensa.
Samantala, nauna nang binago ng Senate Impeachment Court ang paraan ng pagkalkula ng kinakailangang boto upang mahatulang guilty si Duterte.
Sa ilalim ng desisyon, maaaring mangailangan ng 14 na boto sa halip na 16 kung 20 senador lamang ang kwalipikadong makilahok sa pinal na botohan.
Kapag nahatulan sa impeachment case, maaaring matanggal sa puwesto at madiskwalipika si Duterte sa paghawak ng pampublikong tungkulin, na makaaapekto rin sa kanyang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028. Dave Medina