Home NATIONWIDE Marcos, muling hinimok na magdeklara ng state of calamity sa El Niño

Marcos, muling hinimok na magdeklara ng state of calamity sa El Niño

1
0

MANILA, Philippines — Muling nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng state of national calamity dahil sa El Niño upang matugunan ang kakulangan sa pondong pantulong sa milyun-milyong magsasaka at mangingisda.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang P203.56-bilyong badyet ng Department of Agriculture (DA) para sa 2027 nitong Biyernes, Nobyembre 27, iginiit ni Pangilinan na hindi sapat ang kasalukuyang alokasyon upang matulungan ang lahat ng posibleng maapektuhan ng matinding tagtuyot.

Ayon kay Senador Risa Hontiveros, tinatayang 4.3 milyong magsasaka at mangingisda ang maaaring maapektuhan ng El Niño.

Batay sa datos ng DA na binanggit ni Pangilinan, P5 bilyon lamang ang nakalaang pondo para sa cash assistance, na maaaring makinabang ang humigit-kumulang 1.67 milyong magsasaka at mangingisda sa halagang P3,000 bawat isa.

Dahil dito, nangangamba ang senador na marami pang apektadong manggagawa sa sektor ng agrikultura ang hindi mabibigyan ng agarang tulong.

“We are calling on the President to declare that state of national emergency calamity,” ani Pangilinan.

Binigyang-diin niya na kailangang kumilos agad ang pamahalaan bago pa lumala ang epekto ng El Niño sa produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka.

Ayon pa sa senador, sang-ayon din si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa pangangailangang magdeklara ng state of calamity upang matugunan ang kakulangan sa pondo.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa karagdagang mga programang pantulong.

Nauna nang naghain ang 20 senador ng Senate Resolution No. 765 noong Nobyembre 9 upang himukin ang Pangulo na magdeklara ng state of calamity o state of imminent disaster sa mga lugar na apektado o nanganganib sa El Niño.

Sa ilalim ng batas, maaaring magbigay-daan ang deklarasyon sa karagdagang mga hakbang tulad ng pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin at pagbibigay ng pautang na walang interes sa mga kwalipikadong apektadong mamamayan.

Gayunman, sinabi ng Malacañang noong Nobyembre 10 na hindi pa nito isinasaalang-alang ang deklarasyon dahil natutugunan pa umano ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng publiko.

Samantala, batay sa pinakahuling pagtataya ng PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027, habang posibleng maramdaman ang mga epekto nito hanggang sa unang kalahati ng susunod na taon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here