MANILA, Philippines — Muling isasailalim sa yellow alert ang Visayas power grid ngayong Biyernes, Nobyembre 27, dahil sa limitadong reserbang suplay ng kuryente bunsod ng mga hindi gumaganang power plant at mga pasilidad na may pinababang kapasidad.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ipatutupad ang yellow alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi.
Batay sa abiso ng NGCP, nasa 2,500 megawatts (MW) ang available capacity ng Visayas grid, habang inaasahang aabot sa 2,428 MW ang peak demand.
Nangangahulugan ito na 72 MW lamang ang pagitan ng available capacity at inaasahang pinakamataas na demand sa kuryente.
Kabilang sa mga dahilan ng kakulangan sa reserba ang hindi planadong paghinto ng operasyon ng TVI Unit 2, pagbaba ng kapasidad ng TVI Unit 1 at nakaiskedyul na maintenance shutdown ng PCPC at KSPC Unit 2.
Limitado rin ang kuryenteng maaaring maangkat mula sa Mindanao grid.
Ayon pa sa NGCP, 10 power plant ang nasa forced outage simula Nobyembre, habang may iba pang planta na matagal nang hindi gumagana mula sa mga nakaraang buwan at taon.
Mayroon ding 20 planta na tumatakbo sa mas mababang kapasidad, dahilan upang umabot sa 599.2 MW ang kabuuang kapasidad na hindi magamit ng grid.
Idinedeklara ang yellow alert kapag hindi sapat ang reserbang kuryente upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Gayunman, hindi ito awtomatikong nangangahulugan ng brownout, bagaman nagpapahiwatig ito ng mas mataas na panganib ng kakulangan sa suplay kapag nagkaroon ng karagdagang aberya.
Nauna nang isinailalim sa yellow alert ang Visayas grid nitong Nobyembre 25 at 26 dahil din sa mga problema sa operasyon ng ilang planta ng kuryente. Mary Anne Sapico