Home HOME BANNER STORY Panibagong oil price rollback, namumuro sa Martes — DOE

Panibagong oil price rollback, namumuro sa Martes — DOE

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng muling bumaba ng P1 hanggang P2 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel sa Martes, Disyembre 1, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad nitong Biyernes, Nobyembre 27, na ang naturang halaga ang pinakaligtas na pagtataya sa susunod na oil price adjustment batay sa galaw ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Mula Nobyembre 23 hanggang 26, nakapagtala ng pagbaba sa Mean of Platts Singapore (MOPS), na ginagamit na batayan sa pagtukoy ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Batay sa datos, bumaba ng katumbas na P4 kada litro ang presyo ng diesel, P3 sa gasolina at P3.70 sa kerosene o gaas sa nasabing apat na araw.

Gayunman, nilinaw ni Abad na hindi pa ito ang pinal na halaga ng rollback dahil kailangan pang isaalang-alang ang galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado ngayong Biyernes.

Maaari ring makaapekto sa magiging aktuwal na bawas-presyo ang gastusin sa transportasyon, insurance at iba pang premium na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.

Kapag natuloy, ito ang ikaapat na sunod na linggo ng pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Noong Nobyembre 24, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng bawas-presyong P3 kada litro sa gasolina, P2.60 sa diesel at P1.60 sa kerosene.

Inaasahang maglalabas ng opisyal na anunsyo ang mga kumpanya ng langis bago ipatupad ang susunod na price adjustment sa Disyembre 1. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here