QUEZON CITY — Arestado ang dalawang kasambahay matapos mawala ang tinatayang P3.55 milyong halaga ng pera, mamahaling relo at alahas mula sa bahay ng kanilang amo sa Barangay Mariana, New Manila, Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), kabilang sa mga nawawalang gamit ang isang gintong Patek Philippe watch, dalawang Rolex, mga set ng perlas at alahas na may blue sapphire, gayundin ang P300,000 cash.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-4:30 ng hapon noong Nobyembre 25 nang makatanggap ng tawag ang isa sa mga kasambahay mula sa isang hindi kilalang babae na nagpanggap na kanilang amo.
Ginaya umano ng tumawag ang boses ng amo at sinabing nasangkot ito sa isang aksidente sa sasakyan na may kinasangkutang bata at nangangailangan ng agarang pera para sa gastusin sa ospital.
Dahil dito, inutusan umano ang kasambahay na buksan ang vault sa loob ng kuwarto ng amo. Humingi ito ng tulong sa isa pang kasambahay at gumamit sila ng mga construction tool upang piliting buksan ang lagayan.
Matapos makuha ang laman ng vault, iniabot umano ng dalawa ang mga mahahalagang gamit sa isang lalaking naghihintay malapit sa isang simbahan sa Barangay Mariana.
Nadiskubre ng 64-anyos na negosyante at kanyang asawa ang pagkawala ng kanilang mga ari-arian nang makauwi sila dakong alas-8 ng gabi.
Agad silang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Galas Police Station (PS 11).
Sa pagsusuri sa CCTV footage at pagsisiyasat sa mga salaysay ng dalawang kasambahay, nakakita umano ang mga pulis ng mga hindi pagtutugma sa kanilang mga pahayag na naging dahilan upang imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng mga ito.
Dakong alas-12:30 ng madaling-araw noong Nobyembre 26 nang arestuhin ang dalawang kasambahay na edad 23 at 27.
Samantala, tinutugis pa ng pulisya ang hindi pa nakikilalang babaeng tumawag at ang lalaking tumanggap umano sa mga nawawalang gamit.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director Brig. Gen. Christopher Abrahano, inaalam pa ng mga imbestigador ang partikular na papel ng bawat indibidwal sa naturang insidente.
Pinayuhan naman niya ang publiko na huwag agad maniwala sa mga tawag na humihingi ng pera o mahahalagang gamit dahil umano sa isang emergency.
Sa halip, dapat munang ibaba ang tawag at direktang kontakin ang taong sinasabing nasangkot sa insidente upang matiyak kung totoo ang impormasyon.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang kasambahay habang inihahanda ang kaukulang kaso, na sasailalim pa sa pagsusuri ng Office of the City Prosecutor. Santi Celario