MANILA, Philippines — Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi na siya mangangampanya o mag-eendorso ng sinumang kandidato sa pagka-senador sa 2028 national elections.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni Duterte na pagod na siyang mangampanya para sa mga senador.
“Hindi na ako mangampanya ng senador dahil pagod na ako sa kanila,” pahayag ng Bise Presidente.
Iginiit din niyang wala siyang balak na suportahang senatorial candidate kahit pa matuloy ang kanyang planong tumakbo bilang pangulo sa 2028.
“No, no, no I will not campaign sa senator… Okay lang wala akong kaalyadong senator,” dagdag niya.
Nauna nang inihayag ni Duterte ang kanyang intensyong kumandidato sa pagkapangulo sa susunod na pambansang halalan.
Sa kabila nito, sinabi ng Bise Presidente na wala pa siyang napipiling running mate o kandidato sa pagka-bise presidente na makakasama sa kanyang posibleng pagtakbo.
Gayunman, aminado siyang makatutulong kung magkakaroon siya ng running mate na kanyang mapagkakatiwalaan.
Hindi naman tinukoy ni Duterte kung may partikular na senador o pangyayaring dahilan ng kanyang desisyong hindi na mangampanya para sa mga kandidato sa Senado. Dave Medina