MANILA, Philippines — Humigit-kumulang 100 insidente ng karahasan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga menor de edad ang inimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang mga kaso ng pamamaril at pananaksak.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Biyernes, Nobyembre 27, kabilang sa mga naitalang insidente ang pagkakasamsam ng mga baril, patalim at iba pang bagay na maaaring magdulot ng panganib sa mga mag-aaral.
“We have already investigated not less than 100 cases from northern Luzon going to Mindanao,” ani Nartatez.
Sinabi ng PNP chief na naghanda na ang pulisya ng mga plano upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, paaralan at opisyal ng barangay.
Kasabay nito, iniimbestigahan din ng PNP Anti-Cybercrime Group ang posibleng kaugnayan ng ilang online chat group sa mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Ayon kay Nartatez, sinusuri kung may koneksyon ang maliliit na grupong kumikilos sa mga komunidad sa iba pang grupong gumagamit ng online messaging platforms.
“Meron ‘yan kasi grupo-grupo sila, small group within the community and we are looking at the link kung itong community na ito at a certain area ay connected to the rest of the chat group,” paliwanag niya.
Kasunod ito ng insidente ng pananaksak sa isang pampublikong elementary school sa Caloocan City noong Nobyembre 25, kung saan dalawang mag-aaral ang nasugatan.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang ulat na ang menor de edad na sangkot sa pananaksak ay naimpluwensyahan umano ng isang indibidwal sa internet sa pamamagitan ng online grooming.
Samantala, nanawagan si National Capital Region Police Office (NCRPO) acting regional director Police Brigadier General Christopher Abrahano sa mga magulang na bantayan ang online activities ng kanilang mga anak.
Babala niya, maaaring magsimula ang online grooming sa simpleng pakikipagkaibigan at pakikipag-usap bago unti-unting impluwensyahan ang mga bata na gumawa ng mapanganib na mga hakbang.
Hinimok din ng NCRPO ang mga magulang na panatilihin ang bukas na komunikasyon sa kanilang mga anak, alamin kung sino ang kanilang nakakausap sa internet at bantayan ang mga biglaang pagbabago sa kanilang pag-uugali.
Binigyang-diin ng pulisya na mahalaga ang pagtutulungan ng mga magulang, paaralan at komunidad upang maprotektahan ang mga menor de edad laban sa karahasan at online exploitation.