Home HOME BANNER STORY P661-M halaga ng ilegal na droga, nasamsam sa NAIA

P661-M halaga ng ilegal na droga, nasamsam sa NAIA

1
0

MANILA, Philippines — Umabot sa P661 milyon ang halaga ng mahigit 350 kilo ng hinihinalang ilegal na droga na nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) mula sa anim na magkakahiwalay na shipment na dumaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Personal na siniyasat ni Customs Commissioner Charlito Martin Mendoza nitong Biyernes, Nobyembre 27, ang mga nakumpiskang kontrabando kasama si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Derrick Arnold Carreon at mga kinatawan ng iba pang ahensya ng pamahalaan.

IPINAKITA nina Bureau of Customs (BOC) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Derrick Arnold C. Carreon ang mahigit 350 kilo ng nasamsam na ilegal na droga na nagkakahalaga ng P661 milyon, kabilang ang shabu, acetylcodeine at kush. Nasabat ng BOC-NAIA ang mga kontrabando mula sa anim na magkakahiwalay na shipment na sinuri sa isang bodega sa Pasay City. Isinagawa ang inspeksyon nitong Biyernes, Nobyembre 27, 2026. **(Eric Ocapan)

Kabilang sa mga nasabat ang high-grade marijuana o kush, shabu at acetylcodeine na natuklasan sa mga shipment na sinuri sa isang bodega sa Pasay City.

Pinakamalaki sa mga nasamsam ang 307.866 kilo ng kush na nagkakahalaga ng halos P369.44 milyon mula sa dalawang shipment na nagmula sa Thailand.

Sa naturang bilang, 54.382 kilo na nagkakahalaga ng P65.26 milyon ang patungo sana sa Bulacan, habang 253.484 kilo na nagkakahalaga ng P304.18 milyon ang nakatakdang ipadala sa Caloocan City.

Idineklara ang mga shipment bilang mga piyesa ng sasakyan at laruan ng mga bata upang maitago ang tunay na laman ng mga kargamento.

Nasabat din ng mga awtoridad ang 42.884 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P291.61 milyon mula sa tatlong shipment.

Kabilang dito ang 39.418 kilo mula sa Kenya at dalawa pang padala mula sa Malaysia na naglalaman ng 2.630 kilo at 836 gramo ng shabu.

Samantala, isang gramo ng acetylcodeine na nagkakahalaga ng P1,508 ang natagpuan sa hiwalay na shipment mula sa Canada.

Ayon kay Mendoza, naging mahalaga ang intelligence information, cargo profiling, X-ray screening at paggamit ng K-9 units upang matukoy ang mga kahina-hinalang kargamento bago pa mailabas ang mga ito.

Tiniyak din ng Customs chief ang wastong dokumentasyon at paglilipat ng mga ebidensya sa PDEA para sa karagdagang pagsusuri at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga mapatutunayang responsable.

Posibleng maharap sa mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nasa likod ng mga shipment.

Batay sa datos ng BOC, umabot na sa P7.92 bilyon ang halaga ng mga ilegal na drogang nasabat nito sa 414 operasyon sa buong bansa mula Enero hanggang Nobyembre 2026.

Kasabay nito, iniutos ni Mendoza ang pagpapataas ng seguridad at pagdaragdag ng mga tauhan sa mga international airport ngayong papalapit ang Christmas rush upang mapigilan ang pagpupuslit ng kontrabando nang hindi naaantala ang mga lehitimong kargamento at pasahero.

Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here