Home NATIONWIDE AI hub sa New Clark City, suportado ni Manila Rep. Valeriano; tax...

AI hub sa New Clark City, suportado ni Manila Rep. Valeriano; tax incentives, ipinagtanggol

1
0

MANILA, Philippines — Suportado ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano ang panukalang pagtatayo ng artificial intelligence (AI) at advanced industries hub sa New Clark City sa Capas, Tarlac, sa kabila ng mga kuwestiyon tungkol sa mga insentibong ibibigay sa mga dayuhang mamumuhunan.

Sa panayam ng Manila City Hall Press Club (MCHPC), sinabi ni Valeriano na wala siyang nakikitang problema sa House Bill No. 11758, na naglalayong magtatag ng Advanced Industries Zone sa New Clark City.

Kabilang din sa panukala ang paglikha ng Advanced Industries Development Authority (AIDA), na mangangasiwa sa operasyon, regulasyon at pagpapaunlad ng naturang economic zone.

Ipinagtanggol ni Valeriano ang pagbibigay ng tax incentives sa mga dayuhang kumpanya, na aniya ay karaniwang hakbang upang makahikayat ng mga mamumuhunan.

Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong kumpanya ng pitong taong income tax holiday at iba pang insentibo sa buwis sa loob ng kabuuang panahong hindi lalampas sa 20 taon, alinsunod sa mga itinakdang kondisyon.

Kabilang din sa mga benepisyong nakapaloob sa panukala ang exemption sa value-added tax (VAT) at customs duties para sa mga kwalipikadong kagamitan, materyales at iba pang produktong gagamitin sa mga rehistradong proyekto.

Layunin ng naturang economic zone na makahikayat ng pamumuhunan sa artificial intelligence, semiconductor manufacturing at iba pang makabagong industriya.

Kaugnay ito ng Pax Silica initiative, isang programang pinangungunahan ng Estados Unidos upang palakasin ang pandaigdigang supply chain para sa mga teknolohiyang ginagamit sa AI at advanced manufacturing.

Gayunman, nananatiling pinag-uusapan ang mga posibleng epekto ng proyekto sa ekonomiya, kapaligiran at paggamit ng mga likas na yaman, kabilang ang pangangailangan nito sa tubig at kuryente.

Nakatakdang talakayin sa pagdinig ng Kamara sa Disyembre 15 ang House Bill No. 11758, ayon sa impormasyong ibinahagi sa panayam.

Hindi pa naipapasa bilang batas ang panukala at maaari pang baguhin ang mga probisyon nito sa proseso ng pagdinig at deliberasyon. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here