MANILA, Philippines — Tiniyak ni House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo na hindi uusad sa kanyang komite ang mungkahing patawan ng excise tax ang kape, dahil maaari itong makapinsala sa mga mamimili at maliliit na negosyo.
Sa panayam sa isang radyo nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni Quimbo na wala sa kanilang plano ang pagpapataw ng karagdagang buwis sa kape, na hindi naman itinuturing na sin product.
“Definitely hindi. That is not on the table. Dead on arrival ‘yan pagdating sa amin. Nakakapinsala lang na produkto ang binubuwisan,” ani Quimbo.
Nag-ugat ang usapin sa mungkahi ni Olivia Limpe-Aw ng Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP) na patawan ng buwis ang kape sa halip na dagdagan ang excise tax sa mga inuming may alkohol.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means noong Miyerkules, Nobyembre 25, sinabi ni Limpe-Aw na nagbabago na ang pagkonsumo ng mga kabataan, partikular ang Generation Z, na mas nahihilig umano sa kape kaysa alak.
Ayon naman kay Quimbo, ang pagbubuwis sa mga produktong itinuturing na nakapipinsala sa kalusugan ay hindi lamang para makalikom ng kita kundi upang mabawasan din ang pagkonsumo sa mga ito.
Binigyang-diin niya na maaaring maapektuhan ang maliliit na coffee shop kung papatawan ng karagdagang buwis ang mga produktong kape.
Sa halip, nais ng mambabatas na tutukan ang pagpapataw ng angkop na buwis sa mga produktong tulad ng alak, vape at ilang luxury item.
Samantala, bagama’t tutol sa coffee tax, nais naman ni Quimbo na bawasan ang asukal sa mga produktong 3-in-1 coffee na ibinebenta sa bansa.
Napansin umano ng mambabatas na patuloy na tumatamis ang ilang instant coffee product kumpara sa mga katulad na produkto sa ibang bansa.
“Lalong tumatamis ‘yung kanilang ginagawa na 3-in-1. Imbes na buwisan, bigyan ng transition period na 3 taon para mag-reformulate pa maging hindi masyadong matamis,” ani Quimbo.
Sa ilalim ng kanyang mungkahi, maaaring bigyan ang mga manufacturer ng tatlong taon upang unti-unting bawasan ang asukal sa kanilang mga produkto sa halip na agad itong patawan ng buwis.
Binanggit din niya na mayroon nang mga produktong kape sa ibang bansa na may less sweet at zero-sugar variants.
Sa ngayon, wala pang pinal na patakaran o batas na nag-aatas sa mga manufacturer ng 3-in-1 coffee na bawasan ang asukal sa kanilang mga produkto sa loob ng tatlong taon. RNT