Home NATIONWIDE DOLE bumuo ng task force sa AirAsia retrenchment issue

DOLE bumuo ng task force sa AirAsia retrenchment issue

1
0

MANILA, Philippines — Bumuo ng special task force ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang tugunan ang lumalalang sigalot sa pagitan ng pamunuan ng AirAsia Philippines at unyon ng mga piloto kasunod ng planong pagtatanggal sa humigit-kumulang 90 empleyado.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, naghain ng notice of strike ang AirAsia Philippines Pilots Union (APPU) nitong Huwebes, Nobyembre 26, upang tutulan ang retrenchment ng mga kapitan at first officer ng airline.

Dahil dito, ipinatawag ng DOLE ang National Conciliation and Mediation Board (NCMB) upang mapag-usap ang dalawang panig at maiwasan ang posibleng welga.

abi ni Tolentino na bibigyang-prayoridad ng kagawaran ang usapin dahil maaari itong makaapekto sa operasyon ng mga airline at sa mga pasaherong may nakatakdang biyahe ngayong papalapit ang holiday season.

Nag-ugat ang labor dispute noong Pebrero 2025 kaugnay ng petisyon ng mga piloto para sa pagkilala sa kanilang unyon at pagsasagawa ng certification election.

Kasalukuyan ding sinusuri ng DOLE ang mga dokumento at iba pang detalye ng sigalot upang matukoy ang mga susunod na hakbang sa pagresolba nito.

Samantala, tiniyak ng AirAsia Philippines nitong Biyernes na magpapatuloy ang mga nakaiskedyul na flight sa kabila ng nakaambang welga at planong pagbabawas ng mga tauhan.

Ayon sa kumpanya, bahagi ng kanilang mga hakbang ang pagbabawas ng gastusin upang matugunan ang mataas na presyo ng aviation fuel at iba pang hamon sa operasyon.

Patuloy namang isinusulong ng unyon ang mga karapatan ng mga pilotong maaapektuhan ng retrenchment. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here