MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes ang pagdaragdag ng Kamara sa pondo para sa 353 farm-to-market road (FMR) na nagkakahalaga ng P5.92 bilyon sa bersyon nito ng panukalang pambansang budget para sa 2027.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na hindi kabilang ang naturang pondo sa proyektong iminungkahi ng Department of Agriculture (DA) sa National Expenditure Program (NEP).
Muli ring itinulak ni Lacson ang partisipasyon ng mga civil society organization (CSO) sa mga pagdinig ng bicameral conference committee (bicam) upang matiyak ang transparency sa proseso ng pagbuo ng budget.
Sa kanyang interpellation sa budget ng DA, ipinunto ni Lacson na bukod sa pagsingit ng 353 FMR, inalis din ng bersyon ng Kamara ang 91 FMR na nagkakahalaga ng P2.23 bilyon na nakapaloob sa NEP.
“Ano kaya ang criteria ginamit ng HOR sa pag-juggle ng pondo? Kung ano narecommend na-cut, ang wala sa recommendation, dinagdag. Has DA validated these roads against its FMR network plan?” tanong niya sa kanyang interpelasyon sa panukalang 2027 budget ng DA.
Sinabi ni Sen. Francis Pangilinan, sponsor ng panukalang budget ng DA, na patuloy pang bineberipika ng ahensya, katuwang ang mga CSO, kung kabilang nga sa network plan nito ang 353 FMR na ipinasok ng Kamara.
Binanggit din ni Lacson na 30 porsiyento ng mga FMR na ipinasok ng Kamara ay nakalaan sa Batangas, Nueva Ecija at Iloilo. Sa Lobo, Batangas pa lamang, may 19 na FMR na nagkakahalaga ng P348 milyon. Ipinaliwanag ni Pangilinan na ang mga ito ay mga imprastrakturang susuporta sa isang food hub sa lugar.
Samantala, binanggit ni Lacson ang pagdaragdag ng Senado ng 146 FMR na nagkakahalaga ng P3 bilyon sa panukalang budget. Sinabi ni Pangilinan na ikinonsulta ang mga proyektong ito sa DA at bahagi ang mga ito ng inisyatiba ng ahensya bilang paghahanda sa El Niño.
Binigyang-diin din ni Lacson ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga CSO sa mga pagdinig ng bicam, dahil magsisilbi silang mahalagang pananggalang para sa pampublikong pananagutan at tutulong sa Senado na panindigan ang posisyon nito sa pakikipagnegosasyon sa Kamara.
“Kailangan natin malakas na pressure point from CSOs. Without them tayo timid tayo pag kaharap ang counterpart sa HOR minsan bumibigay tayo. If there are strong enough pressure points from CSOs we’ll be more emboldened to stand our ground,” aniya.
“I hope we really assert sa ating counterparts na maging fully transparent ang ating BCC. Diyan talaga ang bloodbath so to speak. Dito tayo tayo lang. Pag nagharap sa BCC yan pinakamadugong yugto ng budget deliberations,” dagdag niya.
Sinabi naman ni Pangilinan na pinag-aaralan nilang imbitahan bilang mga tagamasid sa mga pagdinig ng bicam ang mga kinatawan ng Commission on Audit (COA) at Office of the Ombudsman upang matiyak ang transparency.
“That would send a strong signal that the bicam proceedings must be transparent and accountable and participatory,” aniya.
Samantala, sinabi ni Lacson na “go beyond what we practiced last year” ang gagawin ng Senado sa mga hakbang nito para sa transparency, kabilang ang pagpapatuloy ng livestream kahit suspendido ang mga pagdinig.
Sinabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na naging mahigpit ang Senado noong nakaraang taon sa pagtiyak na kabilang sa master plan na binuo ng DA ang mga proyektong FMR. Kahit pa mambabatas ang nagpanukala ng isang proyekto, hindi ito isasama sa bersyon ng Senado ng panukalang budget kung wala ito sa network plan, aniya.
“This year we will do the same and even more kasi may portal (where we can) cross check (the) technical descriptions,” aniya. Ernie Reyes