Home NATIONWIDE ‘Justice must never get lost in translation’ — Chief Justice Zalameda

‘Justice must never get lost in translation’ — Chief Justice Zalameda

4
0

MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Supreme Court Chief Justice Rodil Zalameda na hindi dapat maging hadlang ang wika upang makamit ng bawat Pilipino ang patas na hustisya, kasabay ng pagkilala sa mahalagang papel ng mga court interpreter sa mga paglilitis.

Sa kanyang keynote address sa 11th National Convention and Seminar of the Judicial Interpreters of the Philippines, Inc. sa Tagaytay City nitong Huwebes, Nobyembre 26, sinabi ni Zalameda na karapatan ng bawat mamamayan na maunawaan ang mga nangyayari sa korte at maipahayag nang malinaw ang kanilang panig.

Ginamit pa ng Chief Justice ang linya mula sa isang kanta ni Taylor Swift na “maybe we got lost in translation” upang bigyang-diin na hindi dapat mangyari ang ganitong sitwasyon sa loob ng hukuman.

“Justice must never get lost in translation,” ani Zalameda.

“Anong saysay ng ‘right to be heard’ kung hindi naman maipapahayag nang tama ang nais sabihin?” dagdag niya.

Ayon sa Chief Justice, hindi lamang simpleng pagsasalin ng mga salita ang tungkulin ng court interpreter dahil mahalagang matiyak na naipararating nang tama ang tunay na kahulugan ng mga pahayag ng mga saksi, akusado at iba pang kalahok sa paglilitis.

Mahalaga rin aniya ang kanilang papel sa pagtulong sa mga taong hindi pamilyar sa wikang ginagamit sa korte, kabilang ang mga bingi at may kapansanan sa pandinig.

Kaugnay nito, muling binigyang-diin ni Zalameda ang pangako ng Korte Suprema na palakasin ang kakayahan ng mga kawani ng hudikatura upang matiyak ang pantay na access sa hustisya.

Kabilang dito ang Rules on Filipino Sign Language Interpreting in the Judiciary, na nagtatakda ng mga pamantayan sa paggamit ng Filipino Sign Language sa mga paglilitis na kinasasangkutan ng mga bingi.

Tiniyak din ng Chief Justice na patuloy na kikilalanin at pahahalagahan ng hudikatura ang kontribusyon ng mga court interpreter.

“Your contributions are valued and will not be overlooked,” ani Zalameda.

Dumalo rin sa dalawang araw na pagtitipon sina Philippine Judicial Academy Chancellor at retired Supreme Court Associate Justice Edgardo Delos Santos, Supreme Court spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, Cavite Governor Francisco Gabriel “Abeng” Remulla at Vice Governor Ramon Revilla Bautista.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here