MANILA, Philippines — Isinusulong ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pagpapalakas ng kapangyarihan ng Department of Agriculture (DA) laban sa agricultural smuggling, na itinuturing niyang seryosong banta hindi lamang sa seguridad sa pagkain kundi maging sa pambansang seguridad.
Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 budget ng DA nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni Lacson na kailangang magkaroon ng mas malakas na intelligence at law enforcement capability ang kagawaran upang matugunan ang talamak na pagpupuslit ng mga produktong agrikultural.
“May national security dimension dito. Pag tinamaan ang agriculture industry, pagdating ng araw we’re at the mercy of unscrupulous importers and trading partners kasi mawawalan ng gana magtanim ang magsasaka,” ani Lacson.
Ayon sa senador, bagama’t pangunahing responsibilidad ng Bureau of Customs (BOC) ang pagpigil sa smuggling, mahalagang magkaroon ng mas malakas na kakayahan ang DA na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa pag-iimbestiga at pagpapatupad ng batas.
Binanggit niya ang tinatayang P11.6 bilyong halaga ng mga produktong agrikultural na nasamsam sa 67 operasyon laban sa smuggling mula Pebrero 2025 hanggang Hulyo 2026.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang mabagal na pag-usad ng mga kaso laban sa mga sangkot sa ilegal na pag-aangkat.
Sa 132 kasong may kaugnayan sa agricultural smuggling na inimbestigahan mula 2021 hanggang 2025, apat lamang ang nauwi sa paghahain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ), ayon sa datos na binanggit ng senador.
Ayon naman kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan, sponsor ng panukalang badyet ng DA, umaabot sa 90 porsiyento ng mga kasong isinumite sa DOJ ang walang kinakailangang orihinal na dokumento, dahilan upang maibasura ang mga ito.
Sinabi niyang pinag-aaralan na ang posibleng paghahain ng mga reklamong dereliction of duty laban sa mga opisyal ng Customs na nabigong magsumite ng kinakailangang dokumento.
Ipinaliwanag din ni Pangilinan na dating may mas malawak na kapangyarihan sa pagpapatupad ng batas ang National Food Authority (NFA) bago ipatupad ang Rice Tariffication Law.
Sinusuportahan umano niya ang pagbabalik at pagpapalakas ng mga kinakailangang kapangyarihan upang masugpo ang smuggling, ngunit dapat may malinaw na mga pananggalang laban sa posibleng pang-aabuso.
Samantala, binanggit ni Lacson ang malaking diperensiya sa mga tala ng kalakalan ng Pilipinas at China.
Ayon sa kanya, umabot sa $55.689 bilyon ang iniulat na iniluwas ng China sa Pilipinas, samantalang $40.269 bilyon lamang ang naitalang inangkat ng Pilipinas mula sa China, o diperensiyang $15.42 bilyon.
Hiniling niyang tukuyin ng DA kung gaano kalaking bahagi ng nasabing diperensiya ang may kaugnayan sa mga produktong agrikultural.
Muli ring binigyang-diin ni Lacson ang kalagayan ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas na nahihirapang makabawi sa puhunan dahil sa mababang presyo ng kanilang ani at pagpasok ng mga imported na produkto.
Ayon kay Pangilinan, inaasahan ng DA na sapat ang suplay ng pulang sibuyas sa bansa kaya hindi na maglalabas ng karagdagang import permit para rito.
Iminungkahi rin ang paglikha ng transparency portal kung saan maaaring makita ng publiko ang mga import permit na inilabas, nagamit o binawi ng DA.
Iginiit ni Lacson na dapat magsimula sa loob mismo ng pamahalaan ang kampanya laban sa agricultural smuggling, partikular sa pagtukoy sa mga opisyal na maaaring nakikipagsabwatan sa mga ilegal na importer.
“Kung walang complicit sa gobyerno, I don’t think agricultural or any kind of smuggling will flourish,” ani Lacson.
Binigyang-diin niyang kailangang tuluy-tuloy ang operasyon at imbestigasyon laban sa agricultural smuggling kahit hindi na ito sentro ng atensyon ng publiko.