MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P336 milyon para pondohan ang kompensasyon sa mga hog raiser na nalugi dahil sa African swine fever (ASF).
Sa pagtalakay sa budget ng Department of Agriculture (DA) sa plenaryo ng Senado, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na mahigit 8,400 hog raiser at trader na naapektuhan ng ASF mula 2023 hanggang 2026 ang hindi pa nababayaran ng gobyerno. Umaabot sa P434 milyon ang kabuuang utang sa kanila.
Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, sponsor ng budget ng DA sa Senado, hindi pa nailalabas noon ng DBM ang contingency fund. Gayunman, ipinaalam sa kanya habang isinasagawa ang interpellation na inilabas na ng ahensiya ang pondo noong Huwebes ng gabi.
“So P336 million has been released, unpaid is P229 million as of 2024, and December, the payout will start,” ani Pangilinan.
Sinabi ni Pangilinan na ang natitirang balanse ay kukunin sa quick response funds at inaasahang mababayaran nang buo sa pagtatapos ng unang quarter ng 2027.
Binanggit din niya na limang buwan nang sinusubaybayan ng Senate Committee on Agriculture ang pagpapalabas ng pondo mula pa noong Hulyo.
Unang naitala sa Pilipinas ang ASF noong 2019, na matinding nakaapekto sa industriya ng baboy at nagpababa sa populasyon ng mga alagang baboy sa bansa mula sa humigit-kumulang 13 milyon tungo sa halos 8 milyon.
Ayon sa Bureau of Animal Industry, naitala na ang mga outbreak ng ASF sa 76 sa 82 probinsiya sa bansa. RNT/MDS