MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na aksiyunan ang mga social media page at grupo na nagbebenta ng abortifacients at nagtataguyod ng aborsyon sa bansa.
Ang abortifacients ay mga gamot o substansiyang ginagamit upang magpasimula ng aborsyon o wakasan ang pagbubuntis.
Sa deliberasyon ng budget ng DICT sa Senado, sinabi ni Sotto na marami pa ring grupo sa Facebook ang nagtataguyod ng aborsyon at may mga nag-aalok umano rito ng abortifacients na ilegal sa Pilipinas.
“There are groups on Facebook promoting or supporting abortion in the Philippines… Just a quick search on Facebook would still result in numerous groups. In fact, in those groups you can see a lot of people offering abortifacients, which is illegal in our country,” ani Sotto.
Hiniling din niya sa DICT na magsagawa ng operasyon laban sa mga naturang grupo at regular na subaybayan ang mga social media page na nag-aalok ng mga ito.
Sinabi naman ni Sen. Pia Cayetano, sponsor ng budget ng DICT, na handa ang ahensiya na makipagtulungan sa Department of Health (DOH) upang mabilis na maaksyunan ang mga naturang grupo.
Ayon kay Cayetano, maaaring hindi batid ng DICT ang ilang produktong iniaalok online kaya mahalaga ang koordinasyon sa DOH.
Idinagdag niya na handa rin ang DICT na maging mas aktibo sa pagpapatanggal ng mga social media page na nagtataguyod ng aborsyon.
Nauna nang nakadiskubre ang DICT ng kahalintulad na website na kalaunan ay ipinasara. Sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police, apat na indibidwal na nagpapatakbo nito ang naaresto. RNT/MDS